PatrolPH

COVID-19 bed occupancy sa district hospitals sa Maynila bahagyang bumaba: LGU

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2021 02:56 PM

Pagbubukas ng COVID-19 field hospital sa Maynila noong Hulyo 2021. Jire Carreon, ABS-CBN News/File
Pagbubukas ng COVID-19 field hospital sa Maynila noong Hulyo 2021. Jire Carreon, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Bahagyang bumaba ang bed occupancy rate sa lungsod ng Maynila, ayon sa lokal na pamahalaan ng siyudad. 

Sa Facebook Live na isinagawa ng Manila Public Information Office na Balitang Maynila, sinabi ni Manila City Health Officer Dr. Arnold Pangan na magmula Agosto 24, aabot sa 314 ng 491 COVID-19 beds sa district hospitals ng siyudad ay okupado na. Katumbas ito ng 64 porsiyento ng hospital beds. 

Bahagyang bumaba ang mga numerong ito kung ikukumpara sa datos noong Agosto 23, kung saan 345 o 70 porsiyento ang okupadong COVID-19 beds.

Sa Manila COVID-19 Field Hospital naman na may 344 na mga kamang pang COVID-19, 312 o 91 porsiyento na ang okupado.

Sa mga quarantine facilty naman na may 883 na kamang pang-COVID-19, 192 o 22 porisyento na ang okupado.

Bahagya ring bumaba ito kung ikukumpara sa datos noong August 23 kung saan nakapagtala ng 216 o 24 porsiyento bed occupancy rate.

Ayon kay Dr. Pangan, 70-75 porsiyento sa mga pasyenteng na-admit sa 6 na district hospitals, Manila COVID-19 Field Hospital at mga quarantine facility ay hindi bakunado.

Sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, walang pila sa labas ng emergency room. Sa Ospital ng Sampaloc wala ring pila papasok ng ospital.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.