MAYNILA - Humihingi ng tulong ang mga nasa 30 locally stranded individual na natutulog sa labas ng Libingan ng Bayani na makauwi ng probinsiya.
Mahigit 30 ang stranded at natutulog sa bangketa, bukod pa sa mga stranded din sa loob ng compound. Pero dahil nagsasagawa ng disinfection ay hindi na sila pinapasok.
Marami umano sa kanila ang 3 hanggang 4 araw nang naghihintay ng tulong sa bangketa.
Nagbabakasakali silang makauwi sa kanilang probinsiya pero hindi na nila naabutan ang Hatid Tulong program ng gobyerno.
"Naranasan namin tumtanggap ng bigay sa labas, dito ko lang naranasan ang hirap, 'di ko akalaing matulog [kami] sa gilid ng kalsada, sana makuha na kami rito,” ani Lia Balansag, na na-stranded mula Palawan.
“Mahirap pero kinakaya namin. Naawa lang kami sa mga bata na kasama namin… Malamok, malangaw, dito lang natutulog sa karton,” ani Dan Dela Rosa, isang locally stranded individual mula Mindoro.
Si Monica Alarde, na taga-Ozamiz, at ang kaniyang asawa bitbit ang tatlong maliliit na anak.
"Ang hirap po talaga lalo na may mga bata kami na dala, sa gabi di kami makatulog dami lamok, unahin ko anak ko magpaypay ako," ani Alarde.
May ilan namang may ticket na pero nalaman lang nilang cancelled ang flight nang nasa airport na sila.
At dahil walang ibang mapuntahan, nagbakasakali rin sila sa libingan.
Humihingi sila ngayon ng tulong dahil wala na silang pagkain at pera. Pahirapan din umano ang paghahanap ng banyo.
"Sana mailagay kami sa tamang lagayan, baka magkasakit kami dito, imbes na wala kaming COVID, baka mamaya magkasakit kami sa ibang sakit, ibang kaanak namin sa probinsya, naawa na sa amin dito," ani Balansag.
Nangako naman ang Philippine Army na ipapaabot ang problema ng mga stranded sa Inter-Agency Task Force.
Dagdag nila, may mga planong Hatid Tulong ang gobyerno sa susunod na buwan.
— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, stranded, locally stranded individuals