PatrolPH

Manobo leader patay sa pamamaril, pananaga sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2020 02:50 PM

Patay ang isang babaeng lider ng Manobo community sa Magpet, Cotabato matapos umanong pagbabarilin at pagtatagain, ayon sa pulisya.

Kinilala ng Magpet police ang biktima bilang si Bae Milda Ansabo, 50 taong gulang at residente ng Sitio Tagaytay sa Barangay Mahongkog, Magpet.

Ayon sa pulisya, naglalakad pauwi ng kanilang bahay si Ansabo noong hapon ng Linggo kasama ang kaniyang anak nang biglang barilin ng mga suspek gamit ang shotgun.

Matapos barilin ay pinagtataga din umano ng mga armadong suspek ang biktima, ayon kay Police Maj. Judgie Barotas, hepe ng Magpet police.

Nakaligtas naman ang anak ng biktima, na mabilis na nakatakbo para humingi ng saklolo.

Ayon kay Barotas, natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Personal na galit umano ang nakikitang motibo sa krimen.

Kinondena naman ni Cotabato Governor Nancy Catamco ang pagpaslang kay Ansabo.

Ayon kay Catamco, ang krimen ay nagdudulot ng pangamba sa mga katutubong pangkat na nakatira sa lalawigan, na nais lamang mamuhay nang normal at mapayapa sa kanilang ancestral land.

Hinikayat ni Catamco ang pulisya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para mapanagot ang mga may sala.

-- Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.