PatrolPH

Higit 430 public officials may kaso sa DILG dahil sa anomalya sa SAP

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2020 06:14 PM

MAYNILA — Nasa 437 public officials ang nahaharap sa administrative charges dahil sa anomalya sa pamamahagi nila ng social amelioration program (SAP) na pang-agapay sana ngayong may pandemya, sabi nitong Martes ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sabi sa TeleRadyo ni DILG Undersecretary Bernardo Florece, Jr., higit 200 dito ay elected officials kabilang ang mga mayor, city and municipal councilors, barangay chairman, kagawad, SK chairmen, at councilors.

Ang 102 naman dito ay mga barangay at city officials tulad ng treasurer, secretary, local social welfare officers, health officers at mga daycare teacher.

"Mayroong padding, mayroon ghost pa nga na beneficiaries. 'Yung iba, unauthorized talaga. Nagkukuntsabahan. For example, you are entitled P8,000 pero hindi ka entitled, but I'll give you P4,000, 'yung P4,000 sa akin. So naghahati sila, doon nagkaroon ng kuntsabahan sa baba," ani Florece.

Sabi ng DILG, 51 na aniya ang naisampa nilang kaso sa Ombudsman dahil kumpleto na ang documentation nito kabilang ang affidavits. 

Bukod dito, 626 pa ang iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group para naman sa criminal charges.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.