PatrolPH

3 pulis sa Davao City kinasuhan matapos daw mag-inuman sa isolation facility

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2020 06:17 PM

DAVAO CITY — Kinasuhan ang 3 pulis dito sa lungsod dahil sa alegasyong nag-iinuman sila sa loob ng isolation facility habang naghihintay ng resulta ng swab test. 

Sa alegasyon, nag-iinuman umano ang 3 habang naka-isolate sila sa pasilidad sa J.P. Laurel Avenue.

Nilinaw ng Davao City Police Office na ang tatlo ay kabilang sa 37 miyembro ng regional mobile force company na bago lang dineploy sa kanila. 

Batay sa protocol, kinailangan muna sumailalim sa swab test ang mga ito para masigurong wala silang COVID-19 kapag ipinakalat na. 

Habang hinihintay ang resulta ng swab test, nilagay muna sila sa isolation facility kung saan sinasabing nahuling nag-iinuman ang tatlo sa gitna ng umiiral na liquor ban sa lungsod.

Sinampahan ang 3 ng mga kasong administratibo.

Bukod dito, nahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health. Events of Public Health Concern Act.

Ayon kay DCPO spokesperson Police Capt. Rose Aguilar, posibleng masuspinde sa serbisyo ang 3 pulis.

Simula nang isinailalim sa modified general community quarantine ang Davao City noong Hulyo 1, nasa 112 violators ng liquor ban na ang nahuli ng mga awtoridad. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.