Volunteer teacher patay, abogado sugatan sa pananaksak sa Bukidnon

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 03:00 PM | Updated as of Aug 25 2019 04:09 PM

PANGANTUCAN, Bukidnon — Patay sa pananaksak ang isang Jesuit volunteer teacher sa bayan na ito matapos looban ang kaniyang tinutuluyang boarding house noong Biyernes. 

Kinilala ang napaslang na si Genifer Buckly, 24, habang sugatan naman ang housemate niyang abogado na si Anne Kathleen Gatdula, 30.

Parehong Jesuit volunteer ang 2 sa Pangantucan Community High School. Si Buckly ay isang guro, habang socio-enterprise officer naman si Gatdula.

Ayon sa Pangantucan Municipal Police Station (MPS), nilooban ang boarding house ng 2 habang nasa eskuwelahan sila pero hindi inasahan ng magnanakaw na uuwi sila bandang hapon kaya doon na nangyari ang pananaksak.

"Hindi nag-expect ang suspek na babalik ang 2 kaya nung nakulong siya sa bahay para hindi siguro siya makilala nagawa niya ang krimen," sabi ni Police Maj. Jerry Paronia, acting chief ng Pangantucan MPS.

Unang inatake ng suspek si Gatdula pero nakalabas ito para humingi ng tulong at naiwan si Buckly sa loob at napatay sa saksak.

Noong Sabado ay nahuli ng mga pulis ang suspek nang magtugma ang mukha nito sa kanilang gallery at facial composite sketch base sa salaysay at paglalarawan ng biktima.

"Noted na itong magnanakaw dito at sa kalapit na bayan natin," sabi ni Paronia.

Napag-alaman rin ng mga pulis na noong Agosto 13 ay nagpa-blotter na sa kanila si Gatdula matapos silang nakawan ng pera sa kanilang boarding house.

Kasalukyang nagpapagaling sa ospital sa Cagayan de Oro si Gatdula habang naiuwi na noong Sabado ang bangkay ni Buckly sa Poblacion sa bayan ng Guipos, Zamboanga del Sur.

Abril 29 nitong taon lang nagsilbing Jesuit volunteers ang 2 sa bayan ng Pangantucan.

Sa pahayag noong Sabado ng grupong Jesuit Volunteers Philippines (JVP), ipinagluksa nila ang nangyari kay Buckly at kinondena ang krimen. 

"Gen, who had already been a teacher prior to volunteering, and Kath, who is a lawyer, chose to dedicate at least a year of their lives to serve others... It pains us to have this happen to them," ani JVP president Rowena Cabungcal.

Inihahanda na ng mga pulis ang kasong robbery with murder at robbery with frustrated murder laban sa suspek na hindi muna pinangalanan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.