'It's a mockery!': Hukom na nagpataw ng sentensiya kay Sanchez pumalag

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 08:44 PM | Updated as of Aug 26 2019 09:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

TABACO CITY, Albay — Umalma ang dating hukom na si Harriet Demetriou sa posibleng paglaya ni rapist-killer Antonio Sanchez na utak sa pagpatay sa 2 University of the Philippines Los Baños (UPLB) students noong 1993.

Si Demetriou ang Pasig judge na nagpataw kay Sanchez ng pitong bilang ng reclusion perpetua noong 1995 dahil sa paggahasa at pagpatay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang reclusion perpetua ay pagkakakulong na aabot sa 40 taon. Ito ay Salitang Español na nangangahulugang permanent imprisonment, o permanenteng pagkapiit.

Sa kaniyang desisyon, inihalintulad ni Demetriou ang krimen sa isang plano na tila binuo sa impiyerno.

Kinukuwestiyon ngayon ng retiradong hukom ang basehan para sabihing puwedeng maisama si Sanchez sa ilalim ng "good conduct rule."

"I will question first what is their interpretation of the law... Are people convicted of heinous crimes included or excluded? 'Wag nilang insultuhin ang intelligence ng Filipino public," sabi ng hukom.

Naniniwala si Demetriou na may kinalaman dito si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na lead counsel noon ni Sanchez sa paglilitis.

    
Una na itong pinabulaanan ni Panelo.

Binanatan din ni Demetriou ang pagsang-ayon ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na bigyan ng pangalawang pagkakataon ang katulad ni Sanchez. Si dela Rosa ay naging pinuno ng Bureau of Corrections bago naging senador.

"Binigyan mo ba ng second chance ang mga pinagtotokhang mo... na mga maliliit na tao? You have a convoluted definition of justice," sabi ng hukom.

Ngayon daw, tila ginagawa umanong joke o biro ang 7 reclusion perpetua na parusa para kay Sanchez.

"It's a mockery. It's a mockery," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.