P1.8-milyon halaga ng shabu, nasabat sa Cebu

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 08:32 AM

CEBU CITY - Arestado ang 2 hinihinalang tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation dito sa lungsod, Sabado.

Inaresto ang 38-anyos na si Alvin sa Barangay Tejero matapos maaktuhan ng pulis na nagpanggap na kostumer na nagbebenta ng 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000.

Nakuha mula sa suspek ang mahigit sa 275 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.8 million.

Timbog rin sa buy-bust ang kasama ni Alvin na si Whimsey, 20 anyos.

Tatlong linggong sinusubaybayan ng mga pulis ang mga transaksyon ni Alvin dahil itinuturo itong supplier ng droga ng mga suspek na naaresto sa iba pang mga operasyon kontra-droga, sabi ni Police Senior Master Sergeant Eramso Rosel Jr.

Itinanggi naman ni Alvin at Whimsey na nagbebenta sila ng droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.