7 drug suspek timbog sa iba't ibang operasyon sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 10:41 AM | Updated as of Aug 25 2019 06:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Pitong mga umano'y tulak ng droga ang nahuli ng mga awtoridad sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila, Sabado.

Sa isang gasolinahan sa Pasig nasukol sina Ryan Caiton at Julius Villanueva matapos nilang bentahan ng shabu ang mga undercover na pulis.

"Sila 'yung nagsu-supply dun sa mga drug den, kasi 'yung area na 'yan, more than 10 drug den na-dismantle natin diyan," sabi ni
Intelligence Officer 4 Leverette Lopez, district officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Eastern District Office.

Nakuha ang 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000 mula sa mga suspek.

Sa Malate sa Maynila naman nakuha ang 25 gramo rin ng shabu mula sa 21-anyos na si Luisito Reyes.

Si Reyes ay miyembro umano ng Morales Group na nagbebenta ng droga sa Pasay at ibang karatig na lugar, sabi ng mga awtoridad.

Itinanggi ni Reyes ang mga paratang ng pulis.

Nahuli naman sa Balara, Quezon City ang 4 na lalaki na umano'y sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga.

Nakuha mula kina Carlo Babiera, Bryan Hintalan at 2 pang 'di pinangalanang suspek ang 12 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P2,000.

"Kasi po nahihirapan ako maghanap ng trabaho. Para sa asawa ko manganganak," paliwanag ni Babiera.

"Pinapaubos ko lang ang basura na 'yan, tapos maghahanap na ako ng trabaho," dagdag niya. -- ulat mula kina Anjo Bagaoisan, Arra Perez at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.