Alitan ng magtiyo nauwi sa pamamaril; suspek at biktima patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 11:08 AM | Updated as of Aug 25 2019 10:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Napatay nitong umaga ng Linggo ang isang taxi driver matapos umanong barilin ng kaniyang tiyuhin sa Pandacan district sa Maynila.

Matapos ang krimen, nasawi rin ang tiyuhin na si Arnulfo Gaton, 72, nang barilin niya ang kaniyang sarili.

Dati nang may hindi pagkakaunawaan si Gaton at ang pamangking si Eduardo Magalona, 64, ayon kay Captain Geo Colibao, pinuno ng investigation unit ng Pandacan police.

"Matagal na silang may hidwaan. Siguro itong suspek hindi na nakatiis dahil lagi daw siyang minumura ng victim kaya siguro napuno na," sabi ni Colibao.

Sa iisang bahay umano nakatira ang magtiyuhin at lagi raw minumura ni Magalona si Gaton, ayon naman kay Eduardo Mercado, chairman ng Barangay 850.

Tatlong putok ng baril ang narinig ni Lorna Tuyado, kapatid ni Magalona, nang mangyari ang insidente.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kalibre .38 pistol ni Gaton.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.