3 patay, 2 nawawala sa salpukan ng 2 bangka sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 06:23 PM

SULTAN KUDARAT, Maguindanao — Palutang-lutang at wala nang buhay nang matagpuan nitong Linggo ang katawan ng 3 tao na pawang mga sakay ng 2 bangkang nagsalpukan. 

Kinilala ang mga biktima na sina Jomar Akir, Ustadz Elmie Norodin, at Johaina Salem. 

Ayon sa pulisya, pasado alas-8 ng gabi Sabado nang bumiyahe ang isang motorized banca mula sa Cotabato City.

Nagmula naman sa Barangay Maydapa, Sultan Kudarat ang isa pang mas maliit na motorized banca at papunta ng Cotabato City.

Pagsapit sa Barangay Bulibod, aksidenteng nagsalpukan ang 2 bangka.

May malalaking sugat sa ulo ang 3 bangkay nang marekober sa ilog.

Dalawa naman ang patuloy pang pinaghahanap na kinilalang sina Sidik Esmail at Saripudin Tato, na operator ng bangka.

Sugatan naman sa insidente sina Ugak Sultan Usop at Sharia Mama Tanggao habang ligtas ang 3 iba pa.

Agad nang nagpaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat sa mga biktima ng aksidente. —Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.