PatrolPH

SOCO: 20 anyos, pinagsasaksak ng akyat-bahay sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2018 03:51 PM

 

Nagtamo ng 22 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang 20 anyos na si alyas "Nini" matapos looban ang kaniyang tahanan ng kawatan noong Hulyo 26, 2018.

Nakatulong ang mga impormasyong ibinigay ng crime survivor at pamangkin ng biktima na si alyas "Pia" sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

"Blondie lang po 'yung hair niya. Tapos po, maliit na tao lang siya. Konti lang po 'yung tangkad niya kay tita [Nini]," paglalarawan ni Pia.

Sa tulong ng isang testigo, napangalanan ng mga awtoridad ang suspek.

"Pinangalanan niya 'yung taong nakita niya don nung madaling araw na 'yun. Siya po si Andrew Baguasan alias Andy. Kabarkada niya rin," ayon kay SPO1 Michael Villanueva Legaspi Jr. ng Bacoor PNP.

"Si Andrew Baguasan talagang kilalang magnanakaw doon sa lugar na 'yun kaya lang wala pang reklamong umabot dito sa amin," dagdag ng pulis.

Sumipot naman ang naturang lalaki sa tanggapan ng barangay kasama ang ina nito. Positibo siyang kinilala ni Pia. 

Narekober din ang mga gamit na tinangay ni Baguasan mula sa biktima.

Sinampahan ng kasong robbery with homicide si Baguasan. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Bacoor Municipal Jail.

Labis ang pagsisisi ng suspek sa nagawang krimen.

"Hindi ko rin po kasi inaasahan na mangyayari 'yung ganon. Kinapos lang din po ako sa pera," sabi ni Baguasan.

"Aksidente lang po eh. Humihingi ako ng tawad sa pamilya po ng mga na-ano ko. Pagsisisihan ko na lang po," patuloy ng suspek.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO" ngayong Agosto 25, Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.