Sample design ng National ID, pinuna ng DICT official

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2018 03:50 PM | Updated as of Aug 25 2018 06:02 PM

Sa nakatakdang pilot testing ng national ID system sa Disyembre, sinabi ng isang opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi siya kumbinsido sa seguridad ng naunang lumabas na disenyo ng card. 

Ayon kay DICT assistant secretary Allan Cabanlong, kung nakalagay sa ID ang retrato, pangalan, address, at birthday — gaya ng unang inilabas na sample ID — madali umanong malaman ang identity ng may-ari nito.

"Based in my personal opinion, one of the suggestions that I would like to recommend is [that] the ID should be designed with privacy. So, meaning, if you design an ID, dapat 'yung andun lang sa face ng ID na makikita mo is 'yung picture lang and pangalan," giit niya.

Ang QR code naman, madali rin aniyang gayahin at may application pa na puwedeng i-download para mabasa ito.

Nauna nang ipinakita ni Rep. Sol Aragones, isa sa mga nagsulong sa batas, ang paunang disenyo ng national ID. 

Giit ni Cabanlong, mas mainam kung ang mga ilalabas na ID ay naglalaman lang ng retrato at pangalan ng may-ari nito.

Ang ibang impormasyon aniya -- nakapaloob sa smart chip 

Dagdag ng opisyal, upang mapadali ang proseso, maaaring maging katuwang ng pamahalaan ang mga bangko na puwedeng mag-issue ng mga ID.

Mainam din kung magagamit ang ID sa iba pang transaksiyon, gaya sa public transport.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.