2 umano'y tulak, patay sa buy-bust sa Lipa

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2018 03:54 PM | Updated as of Aug 25 2018 03:57 PM

Bukod sa mga baril, nakuha mula sa mga suspek ang nasa 1 kilo ng marijuana at 10 gramo ng hinihinalang shabu. Larawan mula sa Lipa City Police.

LIPA CITY - Dalawa ang patay matapos mauwi sa engkuwentro ang ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Inosluban sa lungsod na ito, Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawing suspect bilang sina Erwin Llamarez at Ezekiel Reyes. Nakatakas naman ang isa pa nila umanong kasamahan sa kasagsagan ng shootout.

Ayon sa pulisya, sa kalagitnaan ng transaksyon nakatunog ang mga suspek na pulis ang bumibili. Bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang mga operatiba. 

Sa palitan ng putok, tinamaan sa iba't ibang bahagi ng katawan ang dalawang suspek. Sinubukan pa silang isinugod sa ospital pero hindi na rin umabot ng buhay.

Isang kasapi ng operating team ang isinugod din sa ospital matapos tamaan ng bala sa kanang paa.

Narekober sa encounter scene ang 2 kalibre .45 na baril, nasa 1 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana at tinatayang 10 gramo ng pinaniniwalaang shabu at ginamit na marked money.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.