Pagkamatay ng sundalong 'nanlaban' sa pulisya, iniimbestigahan ng AFP

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 05:22 PM

MANILA - Inatasan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Western Mindanao Command na imbestigahan ang pagkasawi ng isang sundalong nanlaban umano sa mga pulis sa Zamboanga Del Sur habang nagaabang lamang ng masasakyan pauwi matapos madestino sa Marawi City.

Ayon kay Brigadier General Restituto Padilla Jr., tagapagsalita ng AFP, tutukuyin ng imbestigasyon ang ugat ng pagkakabaril kay Private First Class Rudillo Bartolome. 

Ang 34-anyos na sundalo mula sa 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army ay pauwi sana sa kanyang pamilya sa Midsalip, Zamboanga del Sur ng maganap ang insidente noong Miyerkoles.

Ayon sa ulat, nag-aabang si Bartolome ng masasakyang van sa harap ng isang tindahan nang dumating ang mga pulis. Iniulat umano ng ilang residente na kahina-hinala si Bartolome dahil sa haba ng bigote nito. 

Sinasabing pinaputukan ni Bartolome ang mga pulis, dahilan para gumanti sila at mapatay ang sundalo. 

Gayunman, walang residenteng makapagkumpirmang armado nga ang sundalo. 

Nagtamo ng 11 tama ng bala si Bartolome.

Ani Padilla, malabo ang espekulasyong nakaranas ng combat stress ang sundalo dahil nakapagbiyahe pa ito sakay ng bus papuntang Zamboanga. 

Bumuo na rin ang pulisya ng investigating body na tututok sa kaso. --Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.