Mga testigo sa pagkamatay ni Kian, babawiin ng PAO mula kay Hontiveros

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 05:24 PM

MANILA - Pinaplantsa ng Public Attorney's Office (PAO) na mabawi mula sa kustodiya ni Senador Risa Hontiveros ang 2 menor de edad na testigo sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos.

Sa isang panayam Biyernes, sinabi ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta na nakausap ng kanyang opisina ang ina ng mga bata. Nais aniyang mabawi ng ginang ang mga anak dahil kinuha umano ang mga ito bilang testigo nang walang paalam. 

Isang overseas Filipino worker sa Oman ang ina ng mga bata, ayon kay Acosta. 

"There is no parental consent sa pagkuha sa lugar nina Kian dun sa 2 bata," sabi ng PAO chief. 

 
 
Kasama aniya ng PAO ang 3 pang kapatid ng bata nitong Huwebes para sana sunduin na ang mga ito. 

Gayunman, wala pang desisyon mula sa panig ni Hontiveros kung ibibigay na sa PAO ang kustodiya ng mga bata. 

"Gusto ng mga bata na magkasama-sama kaya iniwan ko muna yung 3 sumusundo... para magkatabi-tabi ng tulog mamayang gabi kasi 1 week na silang nagkahiwalay," ani Acosta. 

Una nang iginiit ni Hontiveros na inako niya ang kustodiya ng mga testigo dahil na rin sa hiling ng kanilang pamilya at umano'y banta sa kanilang buhay. 

Napatay si Delos Santos nitong Agosto 16 matapos umanong manlaban sa mga pulis. Taliwas ito sa pahayag ng ilang saksi na nagsabing binugbog ng mga operatiba si Kian, binigyan ng baril at saka pinatakbo. 

Iginiit ng mga pulis na drug courier ang Grade 11 student para sa kanyang ama at mga tiyuhin. 

Gayunman, inamin ng mga operatiba sa pagdinig ng Senado Huwebes na nakumpirma lamang nila ang umano'y kaugnayan ni Delos Santos sa ilegal na droga isang araw matapos siyang mapatay.

Bukod sa Senado, iniimbestigahan ng Department of Justice, National Police Commission at Commission on Human Rights ang pagkamatay ni Delos Santos. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News