Maaari ka bang tumangging magpa-drug test?

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 01:00 AM

Ano ang dapat gawin kung inimbitahan ka ng mga pulis na magpa-drug test? Ano ba ang iyong karapatan? Tinalakay iyan ni Atty. Noel del Prado sa programang 'Usapang de Campanilla' ng DZMM.

Ayon kay del Prado, maaaring tumanggi na magpa-drug test ang isang tao sa kaniyang bahay.

"Una, 'yong pagkatok sa bahay, hindi naman ito bawal. Bukod doon sa ating karapatan na maging panatag sa ating mga tahanan, ating mga pagkatao, ating mga kagamitan, at mga papeles. Ito 'yong tinatawag na right against unreasonable searches and seizure. Dito, meron din tayong karapatan... Section 17, Article 3 doon sa sinasabing right against self-incrimination o 'yong pagbabawal na pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kaniyang sarili," ani del Prado.

"In fact sinasabi ng Korte Suprema, dapat alam ‘yan ng ating mamamayan at ng ating alagad ng batas na maaaring tumanggi ang isang tao kahit na sila ay naaresto na, basta 'yong krimen ay walang kinalaman sa Comprehensive Dangerous Drugs Act," dagdag niya.

Paliwanag din ni del Prado, ayon sa Republic Act 9165 o iyong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, hindi basta-bastang isinasailalim ang isang tao sa mandatory drug testing. Aniya, kapag lumabag ang isang tao sa isang krimen na nakalagay sa batas, tulad na lamang ng paggamit, pagbebenta, paggawa at pag-angkat ng droga, doon na lamang siya maaaring i-drug test.

Isa pa, ani del Prado, hindi maaaring akusahan ng mga pulis ang isang tao gamit ang mga walang basehang ebidensiya katulad na lamang ng itsura nito at estado ng pamumuhay.

Sa mga menor de edad naman, maaari aniyang tumanggi ang inimbitahan lalo na kung hindi pumayag ang kaniyang mga magulang.

Sakali namang magpositibo sa ilegal na droga, sasailalim pa aniya ito sa confirmatory test. At kung makompirma ngang drug user ang isang tao ay saka siya irerekomendang i-rehabilitate.

Ibinahagi rin ni del Prado na mayroong epektibong hakbang ang ibang bansa sa pagsugpo sa ilegal na droga.

“Sa ibang bansa sinasabi nila na ang pinaka-epektibong kampanya ay 'yong tinatawag na ‘community-based’ rehabilitation program. Heto ‘yong mga serbisyong nandiyan mismo sa mga barangay o dun sa mga kapit-bahay,” paliwanag niya.

Sakaling may gustong ireklamong pulis o alagad na batas, sabi ni del Prado, ay maaaring magtungo ang publiko sa headquarters ng Philippine National Police o kaya'y dumulog sa Office of the Ombudsman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.