Love locks puwedeng isabit para sa pangakong 'forever' sa Pasig River

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 04:51 PM

Isang hugis-pusong bakod ang itinayo sa Ilog Pasig noong Huwebes ng umaga bilang bahagi ng pag-engganyo sa mga tao na alagaan ang ilog. Retrato ni Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nais ihayag ang pagmamahal sa taong iniibig, o gustong makipag-date sa isang lugar na malapit sa kalikasan?

Isang hugis-pusong bakod na maaaring sabitan ng mga 'love lock' ang bagong atraksiyon ngayon sa Guadalupe Ferry Station. Sa bakod na ito, maaaring magsabit ng mga padlock na sumisimbolo ng matagalang pagmamahalan.

Layon ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) na naglunsad ng Ilog Pasig Lovelock Project noong Huwebes ng umaga na maengganyo ang publiko na suportahan ang pagpapaayos at pagpapaganda ng Ilog Pasig.

 

Sa pamamagitan ng simbolismo ng puso, umaasa ang mga awtoridad na mas marami rin ang magmamahal, magbibigay ng tulong, at magsisilbing katuwang sa pagsasaayos ng Ilog Pasig, ayon kay Jose Goitia, executive director ng PRRC.

Sunod namang ilulunsad ang proyekto sa Circuit Makati at Plaza Mexico sa Intramuros.

Maluwag na trapiko, inaasahan sa maayos na Ilog Pasig

Tinatayang nasa 700 na pasahero ang nakabibiyahe kada araw sa ilog sa pamamagitan ng walong ferry boats. Sa oras naman na tuluyang maayos ang Ilog Pasig, inaasahang nasa 10% ang maaaring mabawas sa trapiko sa EDSA, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority deputy chairman Undersecretary Frisco San Juan.

Dagdag niya, inaasahang tatlong ferry boats pa ang idadagdag ngayong taon.

Target naman ng PRRC na makumpleto sa loob ng apat hanggang limang taon ang mga proyektong pagpapaganda at pagdagdag pa ng mga world-class ferry boats na maseserbisyuhan ang nasa 10,000 hanggang 15,000 kada araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.