'Jolina' lumakas pa, inaasahang mag-landfall ngayong gabi: PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 02:08 PM | Updated as of Aug 25 2017 08:50 PM

Napanatili ng bagyong 'Jolina' ang lakas nito at inaasahang magla-landfall sa probinsiya ng Aurora ngayong gabi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa kanilang 5 p.m. weather update ngayong Biyernes.

Kumikilos ang bagyo pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.

Pinakahuling namataan ang mata ng bagyo sa layong 110 kilometro timog-silangan ng Casiguran, Aurora na may lakas ng hanging aabot sa 80 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 95 kilometro kada oras.

Nakataas pa rin ang tropical storm warning signal number 2 sa mga sumusunod na lugar:

Isabela
Aurora
Quirino
Kalinga
Mountain Province
Ifugao
Ilocos Sur
Benguet
Abra
La Union
Nueva Vizcaya

Nakataas naman ang tropical storm warning signal number 1 sa:

Cagayan
Babuyan group of Islands
Apayao
Ilocos Norte
Nueva Ecija
Pangasinan
Northern Quezon
Polillo Island
Camarines Norte

Kaniya-kaniya na ring paghahanda ang mga taga-Isabela sa posibleng hagupit ng bagyong 'Jolina'. Kahit na hindi pa ipinag-uutos ng pamahalaang panlalawigan ang preemptive evacuation ay nagpaalala pa rin sila sa mga residente na maging handa at mapagmatiyag sa posibleng pagtaas ng tubig sa ilog.

Mahigpit na ipinapatupad ngayon ang liquor ban at no-sail policy lalo sa mga coastal town ng probinsiya ng Isabela.

Ayon sa PAGASA, inaasahang makararanas ng minsanang malakas na ulan ang malaking bahagi ng Luzon at pinag-iingat ang publiko sa banta ng baha at pagguho ng lupa.


-- May ulat ni Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.