Babaeng kasabwat ng anak sa sextortion, arestado

Rhea Soco, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 07:29 PM

Arestado ang isang babae sa ikinasang entrapment operation ng awtoridad sa Lapu-Lapu City hinggil sa reklamong sextortion ng isang banyaga laban sa kanyang anak.

Sinubaybayan ng Regional Anti-Cybercrime Group ang kinaroroonan ni Marissa Aumentado makaraang humingi ng tulong ang isang 26-anyos na Amerikano sa Department of Justice.

Ayon sa New York-based na biktima, hawak ng anak ni Aumentado na si Rodmar ang kanyang nude video.

Binantaan umano siya ni Rodmar na ikakalat ang naturang video online kung hindi siya magpapadala ng pera.

Sinabi ng pulisya na nakilala ng biktima si Rodmar sa isang adult website nitong Mayo. Sa isang usapan nila, nagawa nilang magpalitan ng nude videos, at ito rin ang ginamit ng suspek upang mangikil sa kanya ng pera.

Nagawa na umanong magpadala ng $3,000 ng biktima kay Rodmar sa pamamagitan ng money transfer. Ang inang si Marissa naman umano ang taga-claim ng pera.

Ang mga dokumento mula sa money transfer ang nagbigay-daan para sa mga operatiba na matukoy ang kinaroroonan ng mga suspek.

Samantala, nananatiling at large naman si Rodmar na gumagamit din ng pangalang “Katrina” sa adult website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.