AFP, walang naabutang hostage sa Grand Mosque

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 12:50 AM

Walang naabutan ang militar na hostage o miyembro ng Maute group habang binabawi nila ang Islamic Center sa Marawi nitong Huwebes.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, hindi naging madali ang pagbawi sa Grand Mosque o Islamic Center na nasa main battle area sa Marawi City dahil sa mga improvised explosive device. 

Tatlo ang nasugatan habang binabawi ang mosque. 

Wala ring naabutan na mga miyembro ng Maute dahil mabilis silang nakatakas. 

“We consider this a very big achievement for the government… Wala tayong nadatnan na mga hostages dito sa Islamic Center. But then again, we believe that this was one of the buildings where they kept the hostages,” Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Task Group Ranao.

Bagamat hindi napulbos, ramdam pa rin ang tindi ng bakbakan sa mga bakas na iniwan nito sa mosque. 

Makikita ang mga bitak at butas sa pader na tanda kung gaano kalakas ang naging opensiba ng magkabilang panig. 

Malayong-malayo ang itsura nito noong Setyembre 2014 o nang unang makita ang bandila ng ISIS sa loob, pati na ang mga lalaking nangungumbinsi sa mga residente na sumali sa kanilang grupo.

Samantala, sunod-sunod na putok pa rin ang narinig sa main battle area nitong Biyernes.

Duterte, muling binisita ang mga sundalo sa Marawi

Ito rin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte nang bisitahin nito kahapon ang mga tropa na nasa frontlines. 

“It will not stop, the counter-insurgency campaign dito... hanggang the last terrorist is neutralized,” ani Duterte. 

Dagdag ng Pangulo, walang dapat ikabahala ang mga sundalo basta't ginagawa nila ang kanilang mga trabaho. 

“So yung matakot kayo na matamaan, just be fair kasi kapwa tao mo rin eh. Pero kung talagang ipit ka na, 'wag ka na magsabi na may bata diyan. Basta nasa trabaho ka, pagka gano'n ang sitwasyon, sabihin ko sa inyo, hindi talaga ako papayag na may makulong na sundalo at pulis na nagtatrabaho,” paniniguro ni Duterte.

Sinabi naman ni Brawner na mayroon ngang mga bata sa main battle area.

“There are child warriors still inside the main battle area. May mga istorya nga po na lumalabas na ‘yung ating mga sundalo at pulis ay naghe-hesitate na bumaril kapag bata po ‘yung nakita nila… Pagka humawak na ng baril ang bata at may threat na sa ating government forces and even the civilians dahil nga po may mga hostages, maaari po nating gawin ‘yung dapat gawin,” ani Brawner.

Dahil patuloy pa rin ang pangangailangan ng mga residente sa Marawi, ipinanawagan ni Zia Alonto Adiong ng Provincial Crisis Management Committee sa Pangulo na bisitahin din sana ang civilian authorities at evacuation sites.

Sinabi rin ni Adiong na walang kasiguraduhan kung magiging positibo ang pagtanggap ng mga bakwit sa mungkahi ng Department of Agriculture na ipadala ang mga stock na manok sa Marawi. 

Sa mahigit tatlong buwan ng mga bakwit sa evacuation centers, pinakamahalaga umano ngayon ang tamang pag-alaga lalo’t ang bawat araw na dumaraan ay nagiging mas mahirap para sa kanila.
 
-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.