7 nagkatay ng manok, may sintomas ng bird flu

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 07:08 PM | Updated as of Aug 25 2017 10:54 PM

Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang pitong tao na nagpakita umano ng sintomas ng bird flu matapos kumatay ng mga manok. Hindi basta-basta nahahawa ang tao sa manok, pero binabantayan kung nahawahan ba ng H5N6 strain ng avian influenza virus ang pito, ayon kay Secretary Paulyn Jean Ubial nitong Biyernes.

Ayon kay Ubial, nagnegatibo sa H5N6 virus ang 34 tao na nagpakita ng sintomas bagama't hinihintay pa rin nila ang resulta ng pito pang kaso na naka-isolate sa Jose B. Lingad Medical Center sa Pampanga.

Sa ngayon ay wala pang kompirmadong kaso ng bird flu sa tao sa bansa, ayon sa DOH.

Sa press briefing, tiniyak ng ahensiya na handa sila sa posibleng 
banta ng H5N6 bird flu strain dito sa Pilipinas.

"We at the Department of Health are doing everything to effectively respond to this very first case of avian influenza [outbreak] in the country. We are actively disseminating public health advisories on the prevention of transmission of bird flu virus to the human population," pahayag ni Ubial.

Inilagay na rin sa 'heightened status' ang mga ospital ng DOH gaya ng sa San Lazaro, Manila Lung Center, at maging ang Research Institute for Tropical Medicine na handa rin aniya na tumanggap ng 'samples' upang sumuri sa mga posibleng kaso ng sakit.

Pinaalalahanan din niya ang mga nagkaroon ng direktang kontak sa mga apektadong ibon at nakararanas ng mga sintomas ng trangkaso gaya ng lagnat, ubo, sipon at pananakit ng kasu-kasuan na magpunta sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) at makipag-ugnayan sa pinakamalapit na medical center ng ahensiya.

Kumain naman ng pritong manok at nilagang itlog si Ubial kasama sina Dr. Soccoro Lupisan, direktor ng RESU at Dr. Joy Lagayan ng Bureau of Animal Industry upang ipakita sa publiko na ligtas kumain ng nilutong poultry products.

Paraan ng paglipat ng bird flu virus

Ayon kay Ubial, naipapasa ang virus sa katawan ng tao sa pamamagitan ng respiratory route lalo na kung may direktang exposure sa mga apektadong ibon.

"Ang transmission niya (bird flu) is through respiratory route so the secretions from the foul getting aerosolized or direct contact 'yong nahawakan nung handler and then nalagay sa mata," ani Ubial. 

"The possibilty also of feces transmitting live virus is actually very nil kasi 'yong virus po namamatay sa high temperature and as you know, medyo tropical 'yong country natin so the possibility of getting the feces aerosolized, 'yong through dust, is also very rare," dagdag pa niya.

Nakamamatay ang bird flu kung magkaroon ng severe infection ang tao at kung mag-develop ng respiratory symptoms ang pasyente na maaaring mauwi sa respiratory failure, ayon kay Ubial.

Samantala ayon kay Lupisan, sa oras na mahawaan ang isang tao ng bird flu virus ay mababa na aniya ang tiyansa nitong maka-recover.

"Transmission from birds to humans is very, very low, but if you get the disease, the mortality rate is high." 

"Depending on their health condition, only about 30-50 percent (of patients) will recover," ani Lupisan. 

Gamot sa bird flu 

Ayon kay Ubial, ang treatment sa bird flu sa tao ay 'symptomatic' --ibig sabihin ay wala aniya itong direktang gamot at tinutulungan lamang ang pasyente na makarekober sa mga ipinapakitang sintomas hanggang sa makayanan na ng katawan nito na lumaban sa virus.

"Ang ginagawa ay tinitingnan natin 'yong symptoms 
kung ano 'yong ipinapakita ng pasyente, halimbawa nade-dehydrate sila so binibigyan ng dextrose, binibigyan ng electrolytes kung nag-iiba 'yong timpla ng electrolytes nila. We also do anti-viral 'yong lumalaban sa virus pero hindi siya 'cure'. Ang ginagawa ay pinahihina niya 'yong virus until such time na ma-overcome nung tao ['yong virus]."

Binibigyan ng oseltamivir flu tablets ang mga nagkakaroon ng trangkaso sa mga hinihinalang kaso ng bird flu habang binibigyan din ng parehong gamot ang mga nagsagawa ng culling bilang prophylaxis kahit na hindi sila makitaan ng sintomas ng bird flu, ani Ubial.

Samantala, ayon kay Lupisan, wala pa aniyang bakuna sa naturang strain ng bird flu sa tao.

"Wala pang vaccine sa bird flu, I think there's [for] H5N1 [and] it's being tested right now in China. That's for humans. I think for birds meron na silang [vaccine] but we're not using it here in the Philippines," paliwanag niya.

Paliwanag ni Ubial na ayon sa Worlld Health Organization, nasa 20 kaso pa lamang ng H5N6 sa tao ang naitala at dalawa rito ay namatay at mula sa China.

Pinag-iingat ng ahensiya ang publiko at sinabing maging mapagmatyag at sumunod sa health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.


-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.