Isa patay nang manlaban umano sa pulis sa Butuan

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2016 05:18 PM

Ihahain lang sana ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang search warrant kay Raul Oranza sa tahanan nito sa Barangay Ampayon, Butuan, Agusan del Norte kaninang umaga, ngunit nagtangka umano itong tumakas.

Kwento ng kapitbahay na si Virginia Ilicano, hinabol ng CIDG si Oranza sa sakahan. Nakiusap sa kaniya si Oranza na papasukin sa kaniyang bahay ngunit dahil sa takot na madamay o ma-hostage, di niya ito pinatuloy. 

Sa labas na ng bahay ni Ilicano inabutan si Oranza ng CIDG at napatay. 

Ayon sa hepe ng CIDG, tinutukan sila ng baril ni Oranza. 

Ani naman ni Ilicano, di na raw niya nakita kung armado si Oranza o kung nanlaban ito, ngunit isang baril ang nakita malapit sa bangkay ni Oranza.

Itinuloy rin ang paggalugad sa kaniyang bahay kung saan nakita ang paraphernalia at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang asawa ni Oranza. 

Ika-16 si Oranza sa talaan ng PNP-Caraga sa napatay sa awtorisadong operasyon, habang wala namang opisyal na talaan sa mga napatay umano ng vigilante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.