Rumaket na funeral singer noon, English teacher na ngayon sa Thailand

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News Thailand

Posted at Aug 24 2022 05:00 PM

PRACHUAP KHIRI KHAN, THAILAND -- Tinatamasa na ngayon ng 30 anyos na si Teacher Jerald Ren Ferrer ang bunga ng kanyang determinasyon at pagsisikap bilang isang OFW sa Thailand. Mula sa dating pagkanta-kanta sa mga patay, higit pa sa sapat ang kanyang kinikita kada buwan bilang isang English teacher sa Grades 1 at 2 students sa Kittikhun School sa probinsya ng Prachuap Khiri Khan.  

“Nag-umpisa lang po ako noon sa paisa-isang tinuturuan, hanggang sa inalok ko ang mga parents ng mga estudyante ko na mag-aral sa ‘kin. Hanggang sa dumadami na sila at sa ngayon, sila na ang kumakausap sa akin para mag-aral. Dito sa ibang bansa kailangan mong maging madiskarte, masipag, matiyaga at manalig sa Itaas. ‘Yan ang mga naging puhunan ko rito. 

Nasa 40,000 pesos monthly ko sa school. At ang kinikita ko sa extra class ay halos double pa sa sahod ko depende sa mga batang natuturuan ko,” kwento ni Teacher Jerald sa TFC News. 

Thailand
Si Teacher Jerald kasama ang kanyang mga mag-aaral sa Thailand

Aniya, malaking tulong sa kanyang pamilya sa Pilipinas ang mahigit sa tatlong (3) taon na niyang pagtatrabaho sa Thailand: 

“Dahil sa kinikita ko, mas malaki na po ang naipapadala ko sa aking pamilya buwan-buwan. Malaking tulong dahil napag-aaral ko na rin ang kapatid kong bunso. At unti-unti napaayos na rin namin ang aming bahay.” 

“Bumaba ang bilib ko sa sarili ko” 

Bago pa man makipagsapalaran si Teacher Jerald sa Thailand, nag-apply muna siya sa Pilipinas bilang guro taong 2015. Pero, nabigo siyang matanggap sa isang private school na kanyang in-apply-an. 

“Fresh graduate po ako noon...Dahil sa kagustuhan ko na pong tumulong sa pamilya ko, kahit hindi pa ako nag-board exam, nag-apply na po ako sa isang private school sa lugar namin. Nag-apply po ako sa ilan sa mga private school doon...nag-prepare ng instructional materials, resume, lesson plan, nag-demo at ininterview rin po ako.  

May mga kasabayan din po ako nag-apply, mga board passer, or with experience. After weeks ko pong naghintay sinabi n alang po sa ‘kin na hindi po ako natanggap dahil may mali sa lesson plan ko. May mga kasabayan din ako noon na mga LET passer na at with experience. Siguro mas pinili nila mga kasabayan ko po noon, compare sa ‘kin na fresh graduate.  

Ito po ang  kauna-unahang pag-aapply ko ng trabaho bilang fresh graduate. At na-reject pa po. Nasabi ko din noon sa pamilya ko na magkakatrabaho na ako pero sa huli, hindi ako natanggap. Umasa po ako noon at maging ang pamilya ko. Bumaba ang bilib ko sa sarili ko na baka hindi ako pwedeng maging guro...,” kwento ni Teacher Jerald. 

Breadwinner funeral singer 

Matapos makaranas ng rejection sa kanyang pag-a-apply bilang isang guro, pinasok naman ni Teacher Jerald kahit ang pagkanta sa mga patay para magampanan pa rin ang kanyang mga tungkulin bilang breadwinner ng kanyang pamilya: 

“Hanggang sa inalok po ako ng pinsan ko na mag-apply sa isang funeral service bilang singer dahil mas malaki raw ang kita doon. Dahil wala akong trabaho noong panahon na ‘yun, tinanggap ko ‘yun...hangang sa kinausap ako ng may-ari ng funeral service na mag-apply sa opisina nila bilang admin staff sa isa po nilang company. At tumagal po ako roon. Meron lang po kami noon na isang maliit na business at sapat lang ang kinikita ko noon...  

...noong una natatakot ako at nahihiya. Dahil guro ang natapos ko at sa pagkakanta sa mga patay ako bumagsak. Pero noong nagtagal, nasanay na ako at naging proud kasi marangal yung hanapbuhay na ginagawa ko at nakakatulong ako sa pamilya ko.   

Nagsisimula ako ng alas-otso ng gabi sa last night hanggang alas dose at itutuloy ko ulit kumanta kinabukasan ng alas singko habang nasa karo ‘pag ihahatid na sa simbahan hanggang sa sementeryo. Nag-focus na po ako noon sa trabaho ko kaya’t hindi ko po naipasa ang board exam.” 

Working student  

Ibinahagi rin ni Teacher Jerald ang lahat ng kanyang pinasok na diskarte sa buhay para lamang makapagtapos ng kanyang kurso sa pagiging guro. 

“Iba’t-ibang hanapbuhay na ang ginawa ko para matustusan din ang pag-aaral ko noon. Nasubukan kong maging helper sa tindahan. Nasubukan kong magtinda ng ice candy, popcorn, french fries, waffle, fish ball, turon, barbeque at kung ano-ano pang mga merienda.   

Nagturo rin ako ng sayaw noon at kumakanta sa mga event at nagho-host. Nagturo din ako ng mga bata na mag-gitara para matustusan ang pag-aaral ko noon. Ito yung mga karanasan kong nagbigay sa akin ng motivation para lalo pang magsikap sa buhay.”  

Nangibang-bansa para sa pamilya 

Taong 2019 nagpasya nang tumulak patungong Thailand si Teacher Jerald dahil na rin sa pangangailangang pinansyal ng kanyang pamilya.  

Thailand
Ang pamilya ni Teacher Jerald sa Pilipinas | (ika-4 at ika-5 mula sa kaliwa) ina at ama ni Teacher Jerald | (pinakahuli sa kanan) bayaw at pamangkin | ang iba pa ay pawang mga kapatid

“Dahil sa bumibigat na po ang mga gastusin namin sa bahay at napaalis din po kami sa lupang kinatitirikan ng aming bahay. Isa pa’y na stroke po ang aking ina na naging dahilan upang makalimutan niya kami na mga anak niya (mild amnesia) at kailangan niya ng mga gamot...bilang bread winner din po ng aming pamilya doon ko po napag-isipan na makipagsapalaran dito sa Thailand...  

Bago po ako makahanap ng work, madami pa po ako in-apply-an walk-in at online. Karamihan po ng schools na pinuntahan ko, hindi sila tumatanggap ng foreign English teacher or ‘yung iba naman ay meron na silang English teacher.   

Sa dami ng online applications na sinend ko, meron lang pong nag-iisa ang nakapansin sa akin. Grinab ko po agad ang opportunity na ‘yun, tinawagan ako ng head English teacher ng school. Interview ng kaunti, sinabi na magpasa ng resume at mga documents ko at introductory video na mga 1 minute.   

After po noon ilang oras lang tumawag ulit at sinabi na pwede na ako mag-start kinabukasan. Nagplano agad ako magbyahe papunta sa school na 6 hours away sa province ko po noon,” sabi ni Teacher Jerald. 

Walang mapaglagyan ng kasiyahan si Teacher Jerald nang sa wakas ay makapagtuturo na siya sa Thailand. 

Thailand
Si Teacher Jerald at kanyang mga mag-aaral

“Sobrang saya at excited na may halong kaba. Sobrang saya dahil sa dami ng hirap na pinagdaanan ko sa pag-apply finally, nagbunga na. May halong kaba dahil hindi ko pa alam kung ano ang naghihintay sa akin sa bago kong school. Grade 1 po ang pina-handle sa ‘kin. Hanggang sa ngayon Grade 1 pa rin tinururuan ko. English subject po ang tinuturo ko dito.” 

Interactive at engaging na istilo ng pagtuturo  

Thailand
Si Teacher Jerald habang nagtuturo sa kanyang mga mag-aaral sa Grade 1

Animated, interactive at very engaging ang istilo ng pagtuturo ni Teacher Jerald sa kanyang mga mag-aaral na makikita rin sa kanyang mga ina-upload na videos sa kanyang social media accounts: 

“Mostly po hindi marunong ang mga bata magsalita ng English lalo sa mga province pero, dahil ginagawa ko pong fun ang lessons, everyone is participating, at the same time natututo sila.   

...I want my students na mag-enjoy sila sa bawat lessons na ituturo ko. Nag-e-engage ako lagi ng kakaibang style na magka-catch ng attention nila.  

Pagpasok ko pa lang sa classroom, nag-iiba na ang character ko, especially mga Grade 1 ang tinuturuan ko. Inspirasyon ko po yung movie na ‘Every Child is Special.’ 

...bukod po sa ito ang nagbibigay ng hanapbuhay sa akin, mahalaga ang papel namin sa mga estudyante dahil kami ang nagsisilbing pangalawang magulang at nagsisilbing gabay patungo sa kanilang kinabukasan. Ang mga guro rin ang nagbibigay ng kapangyarihan ng edukasyon sa mga kabataan.”  

Thailand
Si Teacher Jerald at kanyang mga mag-aaral

Mas gugustuhin din aniya na magaan ang loob ng kanyang mga estudyante sa kanya bilang kanilang guro.  

“Ayokong iparanas sa mga estudyante ko ‘yung naranasan ko noon na takot sa aking mga guro ‘nung nag-aaral ako sa elementary kung kaya halos ayoko pumasok noon.   

Sobrang nag-eenjoy ako sa pagtuturo sa mga bata. Araw-araw excited silang makita ako, ayoko ring isipin nila na istrikto akong guro kundi, isang cool na guro para ganahan sila pumasok at matuto araw-araw. ’Pag nakikita ko na nag-eenjoy sila at nakangiti sila at masaya at natututo, ‘yun na rin nakapagbibigay sa akin ng kasiyahan.” 

Pinatatag ng mga kabiguan  

Mapapagod pero hindi susuko. ‘Yan ang dinanas ni Teacher Jerald bago niya nakamit ang financial stability at work and life balance sa kanyang propesyon.  

“Before ko man po nakamit ang mga bagay na meron ako ngayon, I’ve struggled a lot, at na-reject pa ng maraming beses. Andyan po na muntik na akong sumuko at uuwi na lang ng 'Pinas. Nagbigay po ako ng deadline sa sarili ko na sa ganitong araw ‘pag wala pa rin ako nahahanap na trabaho, suko na ako at uuwi na lang ng 'Pinas.  

‘Yung deadline ko na ‘yun, I gave all my best para makahanap ng work pero, one (1) day before the deadline isang door ang nag-open sa ‘kin at nagbigay ng opportunity.   

Sobrang saya po na may magandang opportunity na ibinigay ang Diyos sa akin.” 

Nagsilbing inspirasyon at lakas ng guro ang kanyang pamilya sa Pilipinas at ang kanyang kasalukuyang girlfriend na kasama niya rin sa Thailand. 

“Pinanghugutan ko ng lakas ng loob ang aking pamilya, lalo na ang aking Mama na may sakit at aking Papa. Para hindi na rin mahirapan magtinda noon ang aking Papa na araw-araw ay isang oras ang bina-byahe gamit ang tricycle para makarating sa bayan kung saan nagtitinda siya ng mga tsinelas. 

Nagbigay rin ng lakas ng loob sa ‘kin ang girlfriend ko na siyang tumulong sa ‘kin mula umpisa at hindi niya ako sinukuan. Naalala ko na sinabi niya sa ‘kin noon, ‘Nandito ka na bakit hindi mo pa ituloy? Gusto mo bang masayang lahat ng paghihirap natin mula umpisa kung ngayon susuko ka na?’ Kaya namulat po ako noon at nabuhayan at itinuloy ‘yung naumpisahan kong pangarap,” pagbabahagi ni Teacher Jerald.  

Sakripisyo kaysa magutom ang pamilya 

Aminado si Teacher Jerald na hindi laging masaya ang kanyang sitwasyon sa pagtatrabaho nang malayo sa kanyang pamilya. Ang kanyang girlfriend na bagamat kasama rin niya sa Thailand, nakatira naman sa ibang probinsya na pitong (7) oras ang layo sa kanya: 

“Masarap sa pakiramdam na may halong lungkot dahil kapalit ng kinikita ko ngayon ay ang mawalay sa pamilya ko. ‘Yan ang mga kadalasang mabigat sa pakiramdam ng mga OFW ang mawalay sa mahal sa buhay. Lalo na kapag nagkakasakit ka. Nagka-COVID din po ako dito at mag-isa ko lang inalagaan ang sarili ko. Walang mag-aalaga sa ‘yo kundi sarili mo lang.   

Lahat ng bagay ‘pag malayo ka sa  pamilya ay sarili mo lang. Pero mas pinili namin na magsakripisyo, kesa magutom ang pamilya namin.” 

Believe in yourself 

“Hindi naging hadlang ang mga rejections at problema ko sa buhay, bagkus nagbigay pa sa ‘kin ng lakas ng loob para makamit ang pangarap ko. Sobrang daming nagme-message po sa ‘kin at karamiham sinasabi nila sa ‘kin na nawawalan na raw sila ng pag-asa na makahanap ng trabaho, pero ‘nung nakita raw po ang post ko, na-inspire raw po sila at na-motivate para ipagpatuloy ang mga pangarap nila sa buhay.  

To my fellow Filipinos who face struggles right now, the best day of your life is still yet to come just don’t give up. Believe in yourself. Rejections don’t mean you failed, it’s a blessing from above because He knows what you deserve in life, He is preparing you with a bigger blessing. So always trust yourself and go for your goal.”