PatrolPH

Concepcion, Tarlac nakapagtala ng unang Delta variant case

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2021 06:44 PM

Nakapagtala na ng unang kaso ng COVID-19 Delta variant ang bayan ng Concepcion sa Tarlac, ayon kay Mayor Andy Lacson. 

Residente ito ng Batibot, Brgy. San Jose at kinilala bilang si "Concepcion Delta Patient 1."

Batay sa report ng Municipal Health Office (MHO) ng Concepcion, na-expose umano ang pasyente sa isa pang pasyente na nagpositibo sa antigen test sa Maynila noong July 21.

Mula noon, nakaranas na siya ng lagnat, fatigue, pananakit ng ulo at pangangati ng lalamunan hanggang Hulyo 28. 

Nagpositibo siya sa antigen test at sa RT-PCR test noong July 30, kumpirmadong positibo ito sa Delta variant ng COVID-19.

Na-admit din ang pasyente sa Jose B. Lingad Hospital sa Pampanga nitong July 29 at dinischarge sa naturang ospital noong August 9.

Batay pa sa report, nabakunahan din ang pasyente ng unang dose ng Astrazeneca noong May 21 at hindi pa natuturukan ng ika-2 dose.

Ayon kay Lacson, walo sa mga close contacts ni Delta Patient 1 ay agad na nakuha ng contact tracers ng LGU-Concepcion, na kaagad isinailalim sa antigen swab test. Lumabas dito na 5 sa kanila ay nagpositibo sa virus at tatlo ay negatibo.

“Lahat po sila ay kaagad na dinala sa isolation quarantine facilities ng Concepcion LGU,” pahayag pa ni Lacson. 

“Walang nagpositibo sa 2nd gen contacts ng naturang Delta Patient 1 maging ng mga naging close contacts,” dagdag niya. 

Pupunta sa Concepcion ang Provincial Epidemiology Surveilance Unit (PESU) para masuri ang buong pamilya ni Delta Patient 1 ngayong araw.

Muling nanawagan si Lacson sa kanyang mga kababayan na huwag mag-panic dahil kaagad na nakuha ng MHO ang mga nakasalamuha ni Delta Patient 1 at mabilis na sinuri at dinala sa LGU-Concepcion quarantine facilities.

Dagdag pa ng alkalde, dapat laging maingat ang lahat lalo na sa mga public places tulad ng palengke at iba pang mga lugar kung saan laging maraming tao.

— Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.