MAYNILA - Binuksan na sa mga motorista ngayong Martes ang Sub-section 5 ng Cavite-Laguna Expressway mula Silang East Interchange patungong Sta. Rosa-Tagaytay Interchange sa Cavite.
Pinangunahan ni DPWH Secretary Mark Villar ang ceremonial opening ng CALAx Sub-section 5 kasama ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Ang 5.14 kilometro na Silang East Interchange patungong Sta. Rosa-Tagaytay Interchange ay bahagi ng Cavite-Laguna Expressway Project.
Ayon kay Villar, inaasahang makikinabang dito ang nasa 5,000 motorista kada araw.
“The opening of Sub-section 5 will be able to cater to around 5,000 motorists daily, adding to the roughly 10,000 users of the already opened CALAx subsections 6, 7, and 8 from Sta. Rosa to Mamplasan,” aniya.
Minamadali na rin ng concessionaire na MPCALA Holdings ang iba pang subsections ng CALAx para tuluyan nang mabuksan sa mga motorista ang kabuuang 45-kilometer na haba ng CALAx na magdudugtong sa Kawit, Cavite at South Luzon Expressway-Mamplasan Interchange sa Biñan, Laguna.
Sa sandaling matapos na ang buong CALAx, magiging 45-minuto na lang umano ang biyahe sa CAVITEX at SLEX, at makatutulong na maibsan ang matinding traffic sa Governor’s Drive, Aguinaldo Highway at Sta. Rosa-Tagaytay Road, ayon kay Villar.
Ayon sa Department of Public Works and Highways, nagkakahalaga ang Cavite-Laguna Expressway ng P35.68 billion.
— Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.