MAYNILA — Masama na naman ang pakiramdam ni Nurse Jaymmee de Guzman at nag-aalala siya lalo't tinamaan na siya ng COVID-19 noong Marso.
"Kalunos-lunos ngayon 'yung sitwasyon ng ospital to the point na hindi na namin alam kung saan talaga ilalagay itong mga pasyente... Puwede tayong mag-create ng kama, kahit sa basketball court, puwede tayong maglagay, ang tanong sino po ang magbabantay?" ani De Guzman.
Iniisip din ni De Guzman kung may makukuhang kompensasyon lalo't hindi pa niya nakukuha ang P15,000 na compensation niya sa pagkakaroon ng COVID-19.
Tingin ni De Guzman, malapit nang sumabog sa galit ang health care workers.
"Sigurado po na may mangyayari na talagang hindi maganda dahil galit na galit na po ang mga health workers... Lahat na lang po ng benepisyo, kailangan pa namin ipaglaban," aniya.
Sampung araw ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) para bayaran lahat ng naantalang benepisyo ng health workers.
Nasa P311 million ang hinihingi ng DOH para sa 20,156 health workers. Ayon naman sa DBM, may mga nakikita nang pagkukuhanan ng pondo para rito.
"'Yung para doon sa government healthcare workers kukunin 'yun sa isang special purpose fund... Ang tawag diyan eh miscellaneous personnel benefits fund.... Ang medyo may issue lang 'yung para du'n sa galing sa private hospitals... Within the 10 day period mare-release 'yon pero optimistic ako na within this week," sabi ni DBM OIC Undersecretary Tina Canda.
Noong Lunes, ipinaliwanag ng DOH-NCR ang guidelines sa COVID-19 benefits.
Ang special risk allowance (SRA) halimbawa, para lang sa mga naka-assign sa COVID-19 hospitals at facilities.
Ang COVID-19 compensation ay para lang sa mga symptomatic na nagkasakit sa trabaho.
Habang ang meals, accommodation at transportation allowance, makukuha lang kung hindi ito kayang ibigay ng isang pasilidad.
Nagbigay din ng August 26 na deadline sa mga ospital para sa pagsusumite ng listahan ng eligible health workers.
"'Wag niyo na pong hintayin ang Aug. 26. Pag hindi kayo naka-submit pasensiyahan na po tayo kasi we cannot wait forever... Kasi hindi po kami ang maglilista, it’s the health facility," sabi ni DOH-NCR Director Gloria Balboa.
Pero pansin ng mga health worker, bakit tila sila pa ngayon ang naiipit sa deadline ng DOH?
"Kailangan ba na umabot tayo sa ganito na naghahabol tayo palagi?" hinaing ni Benjamin Sant, nurse sa Philippine General Hospital.
"Hindi sila dapat nagbibigay ng deadline dahil ang COVID hindi naman nagbigay ng deadline, 18,000 cases pa nga kahapon. Susmaryosep," sabi naman ni Jao Clumia, presidente ng St. Lukes workers' union.
Nauna na ring sinabi ng Private Hospitals Association na marami sa kanila ang matagal nang nakapagsumite ng mga requirements pero sadyang napakabagal ng proseso ng DOH.
Nagbabanta ng malaking protesta ang mga health workers kapag hindi naibigay ang kanilang benepisyo sa September 1.
Bagama't nakikiusap ang Palasyo na huwag ituloy ito, hindi na rin daw mapipigilan kung maraming mag-resign dahil labis na ang pagkadismaya sa kanilang kalagayan.
—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.