Umakyat na sa 65 ang bilang ng mga lugar sa Quezon City na napapailalim sa special concern lockdown (SCL), kung saan isinasaraang bahagi ng ilang barangay nang 14 araw kapag may 2 o higit pang COVID-19 cases dito.
Ginagawa ito kapag masyadong siksikan ang mga bahay at mahirap maipatupad ang physical distancing.
Ilan sa mga lugar na naka-SCL simula hapon ng Lunes ang 3 kalsada sa Barangay Krus na Ligas matapos makapagtala ng 18 COVID-19 cases sa lugar. Apektado sa SCL ang aabot sa 228 pamilya, city government.
Sa Sitio Lambak, naka-kordon na ang buong sitio. May nakabantay na rin na mga tauhan ng barangay upang masigurong walang makakalabas sa mga residente.
Naabutan na silang lahat ng ayuda tulad ng pagkain. Sagot rin ng lokal na pamahalaan ang gatas o ano mang pangangailangan ng mga batang maapektuhan ng lockdown.
Nakatakda rin silang ma-swab test sa ikasampung araw ng isolation.
Una nang sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte na preventive lockdown ang ginagawa nila para maiwasan ang lalo pang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa ngayon ay nasa halos 9,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Quezon City, habang nasa halos 2.2 million na ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine sa lungsod.
— Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Teleradyo, Headline Pilipinas, COVID19, lockdown, Quezon City