Total lockdown, ipinatupad sa Jolo kasunod ng 2 pagsabog

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2020 09:56 PM

JOLO, Sulu - Nagpatupad ng total lockdown ang lokal na pamahalaan ng Jolo sa Sulu kasunod ng dalawang pagsabog sa sentro ng bayan Lunes ng tanghali.

Ayon kay Jolo Mayor Kerkhar Tan, bawal muna ang pagpasok sa Jolo ng mga residenteng taga ibang munisipyo. Kanselado din pansamantala ang operasyon ng pier at biyahe ng mga barko na nagdadala ng mga locally stranded individual at returning overseas Filipinos.

Mahigpit ding ipatutupad ang curfew mula 8 ng gabi hanggang 5 ng umaga.

Hihigpitan naman ang seguridad sa Jolo at hihikayatin ang mga residente na ibaba ang kanilang face mask sa mga security checkpoint.

Bawal muna ang paggamit ng dark shades at magtatalaga na rin ng parking area sa mga sasakyan sa Jolo.

“Total lockdown ngayon hangga't hindi pa natapos ang imbestigasyon, walang pwedeng pumasok dito at saka wala pwedeng palaboy-laboy yung mga taga dito sa amin muna," ani Tan.

Naniniwala si Tan na Abu Sayyaf Group ang nasa likod ng kambal na pagsabog. 

Bago pa nangyari ang insidente ng pamamaril ng siyam na pulis sa apat na sundalo ng Philippine Army noong June 29, may natanggap na silang intelligence report kaugnay sa pinaplanong suicide bombing ng bandidong grupo.

Ayon kay Major General Corleto Vinluan, commander ng Western Mindanao Command, ang Abu Sayyaf sub-commander at bomb expert na si Mundi Sawadjaan ang nasa likod ng dalawang magkasunod na pagsabog. 

Kamag-anak ito ni Hatib Hadjan Sawadjaan, ang kinikilalang emir ng ISIS sa bansa.

“Si Sawadjaan pa rin kasi sila na yung tinatarget natin nung sunod-sunod ang operations natin sa kanila," ani Vinluan.

Ayon kay Vinluan, may tinutugis silang dalawang babaeng suicide bomber sa Sulu, at isa sa mga ito ang siyang umatake sa nangyaring pangalawang pagsabog.

"Yung hinahabol naming dati, Pinay 'yan, asawa ng dating suicide bomber doon sa Sulu, at 'yung isa byuda na rin 'yun, ang asawa niya 'yung namatay na ASG din," ani Vinluan.

Sa ngayon, umaabot na sa 15 ang namatay sa dalawang magkasunod na pagsabog sa Jolo, anim dito ay mga sibilyan, pitong sundalo, at isang pulis.

Namatay rin ang sinasabing babaeng suicide bomber na may dala ng bombang ginamit sa pangalawang pagsabog.

Higit 70 na din ang nasugatan sa insidente.

Samantala, pinulong naman ni Sulu Governor Sakur Tan ang ilang matataas na opisyal ng militar at pulisya kasunod ng nangyaring kambal na pagsabog.

Maglalabas ang provincial government ng panibagong guidelines kaugnay ng mas na mahigpit na seguridad sa Jolo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.