PatrolPH

Pulis na tinangkang patayin nakaganti sa gunman; suspek kritikal

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2020 08:17 PM

Pulis na tinangkang patayin nakaganti sa gunman; suspek kritikal 1
Inihahanda na ng pulisya ang kasong frustrated murder laban sa suspek na ngayon ay kritikal pa rin ang kondisyon. Screengrab

COTABATO CITY — Sugatan ang isang pulis matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Rosary Heights 9 sa Cotabato City noong Biyernes ng hapon.

Nangyari ang krimen sa Sinsuat Avenue.

Kitang mabilis bumaba ang gunman sa sinasakyang motorsiklo para lumapit sa sasakyan ng biktima na nasa gilid ng highway at saka pinagbabaril ang sasakyan.

Pero nakaganti ng putok ang biktima at tinamaan ang gunman.

Ilang sandali pa, tumakbo ang gunman pabalik sana sa motorsiklo pero bigla itong natumba sa gitna ng kalsada dahil sa tinamong tama ng baril.

Humarurot naman ng takbo ang driver ng motorsiklo at iniwan ang kasamang suspek.

Maya Maya lang ay naglakad ang biktima patungo sa nakahandusay na lalaking suspek.

Ayon sa pulisya, ang biktima ay si Police Master Sgt. Salipudin Pangawilan.

Si Pangawilan ay isang pulis na nakadestino sa Guindulunan Municipal Police Station.

Sugatan ang biktimang pulis na ngayon ay nagpapagamot na sa isang ospital.

Kinilala naman ng mga pulis ang suspek na si Heder Sandigan, 28, at residente ng Mamasapano, Maguindanao.

Nakatakas naman ang driver ng motorsiklo pero sa pursuit operation ng PNP, narekober ang getaway motorcycle malapit sa ilog sa Barangay RH-9.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong frustrated murder laban sa suspek na ngayon ay kritikal pa rin ang kondisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.