Pagbaha sa PhilHealth regional office hindi sinadya: opisyal

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2020 04:09 PM | Updated as of Aug 24 2020 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pinabulaanan ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) regional office 1 ang haka-haka na sinadya umano nila ang water leak sa kanilang tanggapan para masira ang ilang dokumento sa gitna ng imbestigasyon sa ahensya.

Nauna nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na baka sinadya ang water leak sa gusali noong Agosto 19 para wasakin ang mga umano'y ebidensya. 

Sa isang video kasi na kumalat sa social media, kita ang water leak sa loob ng opisina ng PhilHealth sa Dagupan City habang kasagsagan ng buhos ng ulan.

Kita ang pagtagas ng tubig mula sa kisame at pagbaha sa sahig ng opisina. 

Pero hindi umano ito sinadya. 

"Medyo mali yata yung statement na iyon kasi hindi namin kasalanan na umulan nang malakas... Iyong drainage system medyo barado. Iyong tubig galing taas hindi naka-flow mabuti kaya ang nangyari hindi nakalabas iyong tubig sa gutter sa taas," paliwanag ni Alberto Manduriao, vice president ng PhilHealth regional office 1. 

Nilinaw din ng regional office na hindi IT at accounting section ng opisina ang naapektuhan kundi ang benefit administration section lamang. 

Wala rin daw importanteng dokumento ang nabasa at ang database ay nakakonekta naman sa head office ng PhilHealth.

Bukas din daw ang opisina sa imbestigasyon at nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa NBI at DOJ.

Kasalukuyang inaayos ang kisame ng opisina at nagdagdag na rin daw sila ng drainage system sa gusali. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.