Nurse frontliner na nakabisikleta patay sa hit-and-run sa Maynila

Jeck Batallones, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2020 07:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kalunos-lunos ang sinapit ng nars na si Renz Perez matapos mabundol ng isang itim na pick-up habang nagba-bike ito noong Linggo ng gabi sa isang kalye ng Padre Burgos sa Maynila.

Sa lakas ng pagkakasalpok, nagpagulong-gulong si Renz at natanggal ang damit pang-itaas.

Ilang minuto rin siyang naiwang walang malay sa kalye bago dinala sa pagamutan pero binawian din ito ng buhay.

Ang salarin ay mabilis na tumakas patungong pier, ayon sa ilang witness.

Ayon kay Ricardo, ama ng biktima, nagulat siya nang makarating sa kanya ang balita at agad niyang inisa-isa ang mga ospital dahil umaasa siyang buhay pa ang kaniyang anak.

Frontliner sa ospital si Renz at dahil sa pandemya, nahirapan siya pumasok kaya noong Hunyo ay nagpabili siya ng bisikleta para may magamit siya pamasok.

Ayon kay Ricardo, hindi naman siya nagkulang sa pagpapaalala kay Renz sa kanyang pagbibisikleta at kumpleto raw ito sa safety equipment.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, walang bike lane sa pinangyarihan ng aksidente kaya maaaring hindi napansin ng driver ng pick-up si Renz.

Nananawagan si Ricardo sa mga taong nakakita sa aksidente na lumutang para makatulong sa pagkakakilanlan ng salarin.

May mensahe rin siya sa driver na nakabundol sa kanyang anak.

"Lumutang ka na lang tsaka na tayo mag-usap. Sana may konsensya ka," ani Ricardo.

Nangangalap ngayon ng mga CCTV footage ang pulisya para makilala ang sasakyan ng salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.