PatrolPH

Ilang Benguet farmers ipinamimigay na lang ang mga gulay dahil walang bumibili

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2020 06:56 PM | Updated as of Aug 24 2020 08:44 PM

Ilang Benguet farmers ipinamimigay na lang ang mga gulay dahil walang bumibili 1
Ipinamimigay na lang ng mga magsasaka sa Benguet ang tone-tonelada nilang repolyo at wombok dahil sa kawalan ng mamimili ngayong pandemya. Screengrab

BAGUIO CITY — Ipinamimigay na lang ng mga magsasaka sa Benguet ang tone-tonelada nilang repolyo at wombok dahil sa kawalan ng mamimili ngayong pandemya.

Habang naka-lockdown ang purok sa Barangay Irisan, dumating ang tulong galing sa mga magsasaka ng gulay sa Benguet.

"Laking pasasalamat po kasi may mga libreng ganito po," ayon sa residenteng si Jennifer Gallidez, na nakakuha ng mga libreng gulay.

"Sa nagbigay po, maraming salamat... dahil nakakatulong ito nang malaking bagay sa araw-araw na pangangailangan namin sa pagkain," ani Vilma Soriano, residente.

Watch more on iWantTFC

Naghanap lang ng truck ang barangay para mai-transport ang gulay mula sa La Trinidad Trading Post.

Ayon sa pamahalaang lokal ng La Trinidad, maraming repolyo at wombok ang hindi nabili sa Trading Post kaya para kahit papaano’y matulungan ang mga magsasaka, binigyan ng LGU ng isang kaban ng bigas at P1,500 na pangkrudo ang mga magsasakang nagpamigay ng gulay.

Ayon sa samahan ng vegetable traders, P2 hanggang P8 ang presyo ng kada kilo ng repolyo ngayon, habang P8 hanggang 15 naman ang kada kilo ng wombok, na parehong dating umaabot sa P20 hanggang P30.

Kahit mataas ang supply dahil sa maulang panahon, mababa naman ang demand dahil pa rin sa umiiral na quarantine measures.

"Ang market kasi niyan ay mga restaurants, hotels. Eh wala ngang restaurants ngayon, walang hotels, walang resorts kaya talagang mababa yung demand ng mga oversize na repolyo," ani Agot Balanoy, manager ng Benguet Farmers’ Marketing Cooperative.

Panawagan nila, buksan uli ng mga LGU ang kanilang relief centers at bumili ng gulay mula sa mga magsasaka pang-ayuda sa mga apektado ng pandemya.

Ayon naman sa Department of Agriculture-Cordillera, bumili na rin sila ng gulay mula sa mga magsasaka para dalhin sa Maynila.

Nasa 50,000 magsasaka ng gulay sa Cordillera ang umaasang makapagbenta na muli ng gulay sa mga establisimyento.

Pero ngayong walang mga turista, lugi ang maraming negosyo, at nawalan ng kabuhayan ang mga tao, kumakapit na lang muna sila sa mga nagmamagandang loob at ayuda ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.