MAYNILA - Abala sa paghahanda sa pagbubukas ng klase ang guro na si "Mark," na nagtatrabaho mula sa loob ng kaniyang bahay.
Ang hindi umano alam ng marami ay tinamaan siya ng sakit na COVID-19 noong Hunyo.
"Natakot talaga ako kasi unang-una, may kasama akong senior citizen, ayokong mahawa," ani "Mark."
Hindi alam ni "Mark" kung saan niya nakuha ang sakit, lalo at ginawa naman niya ang lahat para hindi mahawa.
Isa lang si "Mark" sa higit 800 kaso ng COVID-19 na naitala ng Departemtnt of Education sa mga guro, non-teaching personnel, at estudyante.
Sa 823 kumpirmadong kaso, 310 ang active case o iyong hindi pa gumagaling sa sakit habang 490 naman ang gumaling na at 23 ang namatay.
Sa mga kaso, 340 ang guro, 297 ang mga estudyante, at 186 naman ang non-teaching personnel, ayon sa datos ng DepEd.
Nitong Lunes, sumugod ang grupong Alliance of Concerned Teachers sa tanggapan ng DepEd para manawagang gawing ligtas ang pag-aaral kapag nagsimula ang klase sa Oktubre 5.
Pero ayon sa DepEd, mayroon silang protocol na ipinatutupad tulad ng contact tracing, pag-quarantine, pag-lockdown sa mga lugar na apektado, at tulungan sa mga requirement ng health benefits tulad ng PhilHealth.
Ayon kay Ronildo Co, direktor ng disaster risk reduction and management service ng DepEd, sa higit 700 kumpirmadong kasong naitala ng kagawaran noong Agosto 22, 14 lamang ang nahawa sa trabaho.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang paghahanda ng ahensiya para sa school opening.
Sa Maynila at Pasig, nakatakda nang ipamigay ng mga lokal na pamahalaan ang mga gadget sa mga guro at estudyante sa mga susunod na araw.
Ayon sa DepEd, 45 porsiyento ng mga guro ang naturuan na sa information communication technology.
Nakapag-dry run na rin umano ang mga paaralan ng distance learning at tuloy-tuloy ang pag-print ng mga self-learning module.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Education, education, COVID-19, teachers COVID-19, students COVID-19, edukasyon, School Year 2020-2021, TV Patrol, Jasmin Romero