PatrolPH

20 lalaki timbog matapos maaktuhan sa fitness gym sa QC

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2020 03:38 PM

MAYNILA — Arestado ang 20 lalaki nang maabutan sila ng mga tauhan ng Quezon City Task Force Disiplina sa isang gym sa Barangay Holy Spirit noong Linggo ng gabi.

Ayon kay task force head Rannie Ludovica, isang concerned citizen ang tumawag sa kanila at nagbigay ng impormasyon na sa kabila ng pagbabawal ay isang buwan na umanong nag-o-operate ang JN Sports Fitness Gym.

Ikinasa ang operasyon alas-8 ng gabi, kung saan timbog ang 20 lalaki, kabilang ang may-ari.

Sinabi ni Ludovica na hindi umano alam ng may-ari ng gym na bawal pang mag-operate ang fitness establishments. 

Nakasarado na ngayon ang naturang gym at nakakulong sa Quezon City Police District (QCPD) station 6 ang mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.