Gina Lopez inihatid na sa huling hantungan

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 08:02 PM | Updated as of Aug 24 2019 08:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

MAYNILA – Inihatid na sa kaniyang huling hantungan nitong Sabado ang environmentalist, philanthropist, at long-time ABS-CBN Foundation chairperson na si Gina Lopez.

Pumanaw si Lopez sa edad na 65 dahil sa multiple organ failure.

Pinangunahan ng nakababata niyang kapatid na si Ernie Lopez, pinuno ng ABS-CBN Publishing, ang paghatid ng labi ni Lopez. 

Nagpasalamat si Ernie sa ngalan ng kaniyang pamilya sa mga nagpaabot ng pagmamahal at pakikiramay para sa kaniyang kapatid.
 
Sa huling gabi ng lamay ni Lopez, nagkaroon ng necrological service, kung saan nagbigay ng eulogy ang nakatatanda niyang kapatid na si Gabby Lopez, ABS-CBN Chairman Emeritus. 

Kinilala niya ang malalim na pagmamahal sa kapwa na isinabuhay ng kapatid. 

"I have come to realize that when Gina follows her heart, she finds that there are many people who are galvanized to do her bidding. It is because the Filipino leads with their heart. Gina has always known this. It is always how she could get these people to follow and execute the impossible tasks," aniya. 

Bitbit ang ilang halaman, nag-abang ang mga taga-Bantay Kalikasan sa paghahatid paalis ng mga labi ng dating environment secretary. 

Bumuhos pa ang malakas na ulan na tila nakikiisa sa pakikidalamhati. 

Pinili naman ng mga kaanak ni Lopez na maging pribado ang paghahatid sa kaniya sa huling hantungan. 

--Ulat nina Abner Mercado at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.