2 patay sa anti-drug ops sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 10:28 AM

MAYNILA—Patay ang 2 hinihinalang tulak sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan City, Sabado ng madaling-araw.

Unang ikinasa ang operasyon sa Barangay 163 kung saan nagpaputok umano ang lalaking suspek nang makahalata na pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Gumanti ng putok ang mga operatiba ng drug enforcement unit at special operation unit ng Caloocan City police na dahilan sa pagkamatay ng suspek.

Nakuhanan ang suspek ng 7 sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 na baril.

Samantala, nanlaban din umano ang isa pang lalaking suspek sa buy-bust operation sa Barangay 188.

Pumasok ito sa kaniyang bahay at nakipagpalitan umano ng putok sa mga pulis na dahilan sa kaniyang pagkamatay.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.