PatrolPH

NFA rice sa Albay 'pinauusukan' para maalis ang bukbok

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2018 09:27 PM | Updated as of Jan 22 2020 02:40 PM

Watch more on iWantTFC

Patuloy ang fumigation - pagpapausok para patayin ang mga insekto - sa mga binubukbok na National Food Authority (NFA) rice sa Tabaco City port sa Albay kaya't nasa laot pa rin ang barkong may karga nito. 

Ayon sa NFA-Albay, papayagan lang itong makadaong at maibaba ang mga bigas kapag naalis ang mga bukbok.

Ang magandang balita, inaasahang darating sa Sabado ang barkong lulan ang bagong batch ng import mula sa Thailand, na karga ang 164,000 sako ng bigas.

Kung walang magiging aberya, ia-unload ito at ipamamahagi sa mga probinsiya agad-agad.

Samantala, mahaba pa rin ang pila sa stationary outlet ng NFA sa Legazpi City.
    
Ang ilan, alas-5 pa ng madaling araw ay pumipila na makakuha lang ng NFA rice.

Inaasahan ng mga opisyal ng NFA na mababawasan ang mahabang pila kapag nai-unload na ang 177,000 sako ng bigas na kasalukuyang pinu-fumigate dagdag pa ang inaasahang 164,000 sako na paparating.

Bukod pa rito, inaasahan ang karagdagang 200,000 sako na darating sa susunod na tatlo o apat na linggo.
    
—Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.