Dry run ng 'driver-only' car ban, magpapatuloy

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2018 09:23 PM | Updated as of Jan 16 2020 03:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC) na palawigin ang dry run ng High Occupancy Vehicle (HOV) traffic scheme para bigyang-oras ang mga lokal na pamahalaan na tingnan ang epekto nito sa kanilang mga siyudad. 

Matapos ang pagpupulong nitong Biyernes, napagtanto ng MMC at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kilatisin muna ang epekto sa mga magda-divert na single passenger vehicles kapag on-going ang ban.

"We have to continue our dry run so we know kung ano pa ang further findings ng MMDA," ayon sa pangulo ng MMC at Quezon City mayor Herbert Bautista. 

Sa ilalim ng dry run, hindi muna mumultahan ang single passenger vehicles na bumaybay mula North EDSA, Quezon City hanggang Magallanes, Makati City sa rush hour mula Lunes hanggang Biyernes. 

Matapos umano makakuha ng sapat na datos, makikipagpulong sila sa Kongreso at sa Malacañang para kumbinsihin silang mabisa ang pinapanukalang traffic scheme. 

'Pagpapatupad ng ban, may legal na batayan'

Kinatuwiran ng MMC na may kapangyarihan sila na magpataw ng mga panukalang pangkalsada, alinsunod sa Seksyon 10 ng MMDA law (R.A. 7924). 

"Iyong MMDA law is giving authority via the MMC na magpataw ng mga ganitong regulasyon sa mga lugar na maaaring i-manage ng MMDA," paliwanag ni Bautista. 

Mga multa sa ilang traffic violation, balak taasan 

Balak din ng MMC na taasan ang multa sa ilang mga traffic violation tulad ng paglagpas ng mga bus sa yellow lane at ilegal na pagpaparada ng sasakyan. 

Ito ang pinapanukalang dagdag-multa sa mga sumusunod na traffic violation: 

  • Pagtawid ng yellow line
    →P10,000 at pagsuspinde ng biyahe ng 3-4 units ng lumabag na bus company) 
  • Illegal parking na nasa sasakyan ang drayber​
    →P1,000 mula sa kasalukuyang P200
  • Illegal parking na wala sa sasakyan ang drayber 
    →P2,000 mula sa kasalukuyang P300

Titingnan naman ng MMDA kung alin ang puwedeng gawing common parking areas ng mga sasakyan. 

Pinakiki-usapan din umano nila ang mga pribadong paradahan na ibaba ang kanilang singil sa parking. 
 
-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.