TINGNAN: Bahay ni Faeldon sa Taytay, ipinakita sa media

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 03:52 PM

Ipinakita ni outgoing Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa media ang hitsura ng kanyang bahay sa Taytay upang patunayan na hindi umano siya nangurakot.

Pagkatapos ng press conference ngayong umaga ng Huwebes, ipinakita ni Faeldon ang kanyang isang palapag na bahay. Mula sa labas ay makikita na ang sirang kisame ng bahay. Wala rin masyadong gamit sa loob, at may sulat-kamay pa ng bata sa mga pader. 

Ayon kay Faeldon, ipinakikita ng kanyang bahay na mahirap pa rin siya at wala siyang natatanggap na suhol. Sa katunayan, hindi pa umano niya tapos bayaran ang bahay, at nakatira siya roon nang higit dalawang dekada na. May utang pa umano siyang kalahating milyong piso sa GSIS (Government Service Insurance System).

Iginiit ni Faeldon na hindi siya kurakot, at ibinunyag niyang ang dawit umano sa mga 'smuggling activities' ay ang anak ni Senador Panfilo Lacson na si Panfilo "Pampi" Lacson Jr. na mayroong maliit na negosyo pero nakapag-aangkat ng bilyong halaga ng semento mula sa ibang bansa. 

Aniya, kaya umano tinitira ni Lacson si Faeldon ay upang siraan siya pati na ang mga opisyal ng Customs bago pa man nila mailabas ang katotohanan umano sa likod ng negosyo ng batang Lacson. 

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.