Pulis, patay nang aksidenteng mabaril ang sarili

Junrey Nadela, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 04:25 PM

Nasawi ang isang pulis matapos aksidenteng mabaril ang sarili gamit ang kanyang service firearm Huwebes ng madaling araw sa Cebu City.

Ayon sa Homicide Section ng Cebu City Police Office, patuloy nilang iniimbestigahan ang insidente na ikinamatay ni SPO2 Victor Ayuman upang matukoy kung may naganap na foul play dito.

Binisita nila ang bahay ni Ayuman sa Barangay Lahug sa Cebu Huwebes ng umaga at nagsagawa ng tracing sa lugar.

Nabatid na nakaupo sa balkonahe si Ayuman habang naglilinis ng kanyang baril na isang 9MM beretta.

Nakakita sila ng basyo sa paso malapit kung saan nakaupo si Ayuman.

Si Ayuman ay tinamaan ng bala sa dibdib.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang ina ni Ayuman tungkol sa insidente.

Si Ayuman ay nakatalaga sa Operations and Plans Office ng Mandaue City Police Office simula pa nitong nakaraang taon.

Nagsumite umano siya ng leave noong Agosto 4 at pabalik na sana sa trabaho nang mabaril ang sarili.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.