Negosyanteng si Peter Lim itinangging sangkot siya sa ilegal na droga

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 08:41 PM


MANILA - Lumutang sa Department of Justice (DOJ) ang kontrobersyal na negosyanteng si Peter Lim nitong Huwebes at itinanggi ang mga alegasyon na siya ay sangkot sa ilegal na droga.

Nagtungo sa tanggapan ng mga piskal ng DOJ si Lim bago mag-alas-3:00 na nakasuot ng facemask at kasama ang kanyang mga abogado.

Ito ay bago pa man matapos ang itinakdang maghapong ultimatum ng DOJ panel of prosecutors para sa kampo ni Lim na makapaghain ng kanyang kontra-salaysay sa inihaing reklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Dumiretso si Lim sa tanggapan nina Assistant State Prosecutor (ASP) Michael John Humarang at Aristotle Reyes, kung saan nito pinanumpaan ang kanyang counter-affidavit.

Nanindigan naman si Lim na inosente siya sa kaso. 

Nauna nang pinangalanan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lim, na may alias umanong "Jaguar," bilang isa sa mga sangkot sa bentahan ng shabu sa Region 7 at 8. 

"I never engaged in, or conspired to, the sale, trading, administration, dispensation, delivery, distribution and transportation of any dangerous drug and/or controlled precursor and essential chemical punishable under Section 26 (b), in relation to Section 5, of RA No. 9165, as amended," ani Lim sa kanyang counter-affidavit.

"I strongly deny that I am the respondent referred to in this case as ‘Peter Go Lim aka Jaguar,’" aniya.

Naging mailap sa media si Lim at ang kanyang mga abogado mula sa pagdating hanggang sa makaalis sakay ng itim nitong SUV.

Kasama si Lim sa mga itinuturo ni Marcelo Adorco, dating tauhan ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, na pinagkukunan umano nila ng droga na ibinebenta naman sa Eastern Visayas.

Si Lim ay sinasabing si Alyas Jaguar at nauna nang lumutang sa Davao City at personal pang nakaharap si Pangulong Rodrigo Duterte.-- may ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN