Multicab driver, arestado sa pagpatay sa estudyante sa Palawan

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 05:25 AM

Arestado si Raul Busaing, 38, ang driver ng multicab na huling sinakyan ng isang estudyante ng Palawan State University na natagpuang patay nitong Martes.

Arestado ang driver ng multicab na huling sinakyan ng isang estudyante ng Palawan State University na natagpuang patay nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Raul Busaing, 38, na nagpositibo sa drug test.

Nakuhaan din ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa multicab nito.

Bagaman lumalabas sa autopsy report na walang indikasyon ng panggagahasa sa biktima, ayon sa suspek sa sinumpaang salaysay nito ay ginahasa niya si Haziel Joy Dayday,18, bago pinatay.

“Posibleng hallucination lang iyon dahil sa epekto ng droga," ayon kay Sr. Supt. Ronnie Francis Cariaga, direktor ng Puerto Princesa City Police.

May nakuha ring buhok ng babae sa multicab ni Busaing at lubid na kahalintulad sa ipinangsakal sa biktima.

Isang t-shirt na may dugo ang nakuha sa crime scene pero hindi pa rin narerekober ng awtoridad ang mga gamit ng biktima gaya ng bag nito na may lamang iPad at cellphone.

"Sinubaybayan namin ang CCTV mula Rizal Avenue to Brgy. San Manuel, bumili pa sa ng kape at sigarilyo ang suspect, " ani Police Chief Insp. Alonso Tabi Jr., hepe ng investigation branch ng Puerto Princesa City Police.

Tinitingnan ang anggulong magkakilala ang biktima at suspek dahil lumabas umano sa CCTV na lumipat pa sa passenger seat si Dayday.

Sinampahan na ng kasong murder ang suspek Huwebes ng umaga.

Samantala, ayon sa pamunuan ng Barangay San Jose, dati na umanong naireklamo si Busaing ng asawa nito dahil sa pambubugbog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.