Militar may nakikitang paglabag sa 'enrollment' ng MNLF sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 11:54 AM

PALAWAN - Paglabag sa Final Peace Agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro National Liberation Front (MNLF) ang enrollment activity na ginagawa ng grupo sa lalawigang ito, ayon sa militar.

Ayon sa Western Command, hindi umano sakop ng kasunduan ang pagdadagdag ng mga panibagong miyembro.

“Recruitment, enrollment what is the difference? Ang titingnan po natin doon is yung purpose... Medyo hindi lang klaro sa atin kung ano ang purpose ng pagpapalaganap nila ng information para sa recruitment, pero para po sa atin, malinaw po ang mensahe na itong mga bagay na ito ay labag sa final peace agreement,” ani ni Capt. Cherryl Tindog, tagapagsalita ng WesCom.

Inakyat na ng WesCom ang naturang enrollment sa Palawan sa Office Of The Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at sila na umano ang bahalang kumausap sa MNLF para maging malinaw ang usaping ito.

Una nang nasabi ng MNLF na hindi recruitment kundi enrollment ang kanilang ginagawa.

Nasa 300 ang nakatakdang kukuning bagong miyembro sa Palawan at ang pagkuha ng mga listahan sa kanilang hanay ay balak umano nilang ipasok sa integration program ng pamahalaan.

Anila, sa ngayon ay nagkakaroon pa ng pag-uusap si Pangulong Rodrigo Duterte at kanilang founding chair Nur Misuari para sa kanilang plano.

"Meron silang allocation, 300 recruitment nung bagong integration. Unfortunately, dumaan kami kay Chairman Misuari sabi niya huwag muna ngayon saka na pag nag final na si Presidente at OPPAP saka tayo mag recruit,” paliwanag ni Dr. Samsula Adju, chairman ng Global Roving Diplomacy And Peace Initiatives ng grupo.

“So ngayon, magbigay lang kami ng enrollment lang ng mga 300. 100 sa north, 100 sa central at 100 sa south. Nag enrollment lang kami, nagkuha lang pangalanan ng mga bata,” dagdag pa niya.

Naninindigan naman ang WesCom na hindi saklaw ng Final Peace Agreement ang pagdadag ng miyembro dahil taong 2003 pa nakumpleto ang integration program para sa hanay ng military at pulisya.

Sa datos mula sa OPAPP, umabot ng 7,500 na miyembro ng MNLF ang na-integrate at 5,750 rito ang nasa Armed Forces of the Philippines habang 1,750 ang sa Philippine National Police.

Giit rin ng militar, kung nasa pag-uusap pa ito ay hindi dapat pinangungunahan ng MNLF ang ginagawang recruitment activity.

“Kung may pag-uusap man, hindi dapat natin yun pinangungunahan dahil may implementing body saka na lang dapat yan gagawin kung napagkasunduan na. As of now, tini-treat natin yan as violation sa Final Peace Agreement,” ani Tindog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.