Mga magulang ni Kian, dadalo sa pagdinig sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 12:00 PM

Kinumpirma ng ina ni Kian Loyd Delos Santos na dadalo sila ng kanyang asawa sa pagdinig sa Senado Huwebes ng hapon.

Una nang nagpahiwatig ng pagnanais na dumalo sa pagdinig sa Senado ang ama ni Kian na si Saldy. Paliwanag niya sa mga naunang ulat, ito na lamang ang kaya niyang ibigay para sa kanyang anak.

“Para sa anak ko yun. Yun na lang kaya kong ibigay sa anak ko kasi sinira nila buhay ng anak ko. Hindi man ako manalo at least ipinaglaban ko anak ko. Hindi ko siya tinakbuhan,” sabi ng ama ni Kian.

Agosto 16 nang mapatay si Kian ng mga operatiba ng Caloocan Police na nagsasagawa ng Oplan Galugad. Paliwanag ng pulisya, nanlaban umano ang binatilyo kung kaya’t nabaril ito.

Pero may mga saksing pinasungalingan ang report ng pulisya. May kuha din na CCTV ang barangay na makikitang binitbit si Kian patungo sa lugar kung saan siya pinatay.

Inaasahan din haharap sa pagdinig ang mga testigong hawak ni Senador Risa Hontiveros at ang Philippine National Police Internal Affairs Service.

Inaasahan din na pupunta ang forensics experts at dadalhin ni Public Attorney’s Office chief, Atty. Persida Acosta ang CCTV na ebidensiya.
 
Ayaw naman ng pamilya na muling ipasailalim sa awtopsiya ang labi ng kanilang anak dahil palagay nila ay sapat na ang dalawang autopsy na ginawa ng PNP at ng PAO.

Hindi na raw gusto ng mga magulang ni Kian na makitang ie-examine ulit ang bangkay nito, lalo't malakas na rin ang ebidensyang inaresto saka umano binaril at pinatay nang walang dahilan ang kanilang anak.

Nanawagan naman ang mga kaibigan ni Kian Miyerkoles ng gabi sa mga mambabatas na tulungan sila para makamit ang hustisya.

Samantala, imbes na sa Linggo, sa Sabado na ng umaga itinakda ang libing ni Kian sa Laloma Cemetery.

Sa ngayon, inihahanda na ng mga kaibigan ni Kian ang video presentation at mga t-shirt na gagamitin nila sa libing. Jasmine Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.