Manok, ipamamahagi sa mga 'bakwit' mula Marawi

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 06:50 PM | Updated as of Aug 25 2017 03:51 AM

Hindi na sardinas kung hindi manok ang isasama ng gobyerno sa mga food pack nito para sa mga 'bakwit' mula sa digmaan ng Marawi City. 

Ito ay matapos pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na manok at mga produkto nito ang ipamahagi sa mga 'bakwit' kasunod ng pagtumal ng bentahan ng poultry products sa merkado dahil sa kaso ng bird flu sa Pampanga at Nueva Ecija. 

"I asked President Duterte if the Department of Social Welfare and Development can buy some of the chicken... baka puwedeng ipamigay sa evacuees sa Marawi para mapakinabangan," ani Agriculture Secretary Manny Piñol.

Ayon kay Piñol, ligtas kainin ang lahat ng poultry products na ibinebenta ngayon sa merkado. 

Bibili ang gobyerno ng mga manok na naipon matapos ang transportation ban bunsod ng bird flu. 

Tiniyak niyang walang nakalusot na poultry products mula sa mga lugar sa Pampanga at Nueva Ecija na naka-quarantine dahil sa kaso ng bird flu o avian influenza.

Sa kabila nito, matumal ang bentahan ng manok kahit pa bumaba na ang presyo nito.

Naunang sinabi ng "Samahang Industriya ng Agrikultura" na nalulugi sila ng P179 milyon kada araw mula nang ideklara ang bird flu outbreak.

Para naman mapawi ang anumang alinlangan sa kaligtasan ng mga manok, mismong sina Duterte at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang magsasalo sa chicken barbecue, balut, at iba pang poultry products sa isang boodle fight sa Pampanga.

Nitong Huwebes, Agosto 24, kinompirma ng Bureau of Animal Industry na maaaring mahawa ang tao mula sa H5N6 na strain ng bird flu virus na naitala sa sample ng mga nagkasakit na manok mula sa San Luis, Pampanga.

Pero tiniyak ng mga awtoridad na mahirap maisalin ang virus sa mga tao.

May nakahanda naman ang Department of Agriculture na P51 milyong pondong gagamitin sa pagbibigay ayuda sa apektadong poultry farmers.

-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.