Ilan sa mga karapatan ng bawat mamamayan na nakasaad sa Saligang Batas ang maging panatag sa kaniyang tahanan, maprotektahan ang kaniyang mga ari-arian at tumangging tumestigo laban sa kaniyang sarili.
Kaya ayon kay Atty. Noel del Prado sa "Usapang de Campanilla" ng programang DZMM, labag sa batas ang 'house-to-house drug testing' ng pulisya kung imamandato o gagawing required ito sa lahat.
Lalabag umano ito sa ilang karapatan ng mamamayan gaya ng 'right to privacy', 'right against unreasonable search and seizure' at 'right against self-incrimination'.
Pero nalinaw na rin umano ng pamunuan ng pulisya na walang required drug testing na isinasagawa, dahil boluntaryo lang ang mga ito.
Nakasaad sa pangunahing batas na ipinatutupad ng kapulisan na Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na hindi maaring basta isailalim sa sapilitang drug testing ang isang tao.
Ayon sa nasabing batas, maaari lang isailalim sa sapilitang drug testing ang isang tao kung siya ay nahuli o gumagawa ng krimen na labag sa batas.
"Sa batas, kapag ikaw ay nahuli na lumalabag o gumagawa ng krimen, doon sa mga kumbaga pinangalanang krimen sa batas, doon lang maaaring gawin ang mandatory drug testing," ani Del Prado.
Ilan sa mga krimeng maaaring mag-obliga ng sapilitang drug testing ang may kinalaman sa paggamit, pagbenta at pag-import ng ilegal na droga.
"Kung ikaw ay inaakusahan o nahuli ka ng isa sa mga krimen na nakasaad sa RA 9165, doon maaari kang maipasailalim sa mandatory drug testing... kahit wala pang consent, kasi nasa batas iyon. Basta may kinalaman sa krimen [maaaring isagawa ang drug testing]," ani Del Prado.
Pero hindi rin umano dapat basta-basta manghusga ang mga pulisya kung kailangang isailalim ang tao sa drug testing.
"Halimbawa, ikaw ay inaresto dahil sa pagnanakaw at ang sinasabi 'kaya ka nagnakaw dahil drug addict ka, mukha kang drug addict kaya dapat ipa-drug test.' Bawal 'yun," aniya.
Kapag walang kinalaman ang kaso sa RA 9165, karapatang tumanggi ng tao sa drug testing.
Walang maaaring pilitin ang pulisya na sumailalim sa drug testing kung walang 'probable cause'.
Sa kaso naman ng mga menor de edad, kailangan ng pahintulot ng mga magulang kung isasailalim sa drug testing ang anak.
Kung papayag naman ang indibidwal sa 'house-to-house drug testing' ng pulisya at nagpositibo ito, hindi maaaring kasuhan ang nagpa-drug test kung wala naman itong ginagawang paglabag sa batas.
Ayon sa mga pulis, kung magpositibo ang indibidwal, rehabilitasyon ang unang serbisyong iaalok nila at hindi pag-aresto at pagkulong.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, tagalog news, house-to-house drug testing, drugs, war on drugs, Usapang de Campanilla, DZMM, PNP, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act 9165, mandatory drug testing