Lalaki, nang-hostage ng tindero sa palengke sa QC

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 07:41 AM | Updated as of Aug 25 2017 11:04 PM

Higit tatlong oras na nang-hostage ng isang tindero ang isang lalaki sa bahagi ng isang palengke sa Quezon City nitong Biyernes ng umaga.

Hinostage ni alyas Juren si Gerry Pisngot, isang tindero ng gulay, sa harap ng isang saradong sanlaan sa Muñoz Market. Sinasabing malayong kamag-anak ng biktima ang suspek.

Ayon sa mga saksi, dumating si Juren bandang alas-11 ng gabi nitong Huwebes at kinausap si Gerry dahil may hinahanap umano itong kamag-anak sa QC.

Ngunit makalipas ang ilang oras ay naburyong umano si Juren at bandang alas-3 ng umaga ay bigla nitong tinutukan ng mahabang kutsilyo ang kaniyang tiyuhin.

Pasuray-suray pa ang galaw ng suspek, tumatawa at sumisigaw kahit na walang sinasabing demand kaya hinala ng mga saksi ay maaaring lango ito sa alak o droga.

 

Dumating ang ilang mga kaanak ng biktima at suspek para subukang payapain ang sitwasyon. Rumesponde rin ang mga pulis sa pangyayari.

Nagdulot ng pagbibigat ng daloy ng trapiko ang hostage-taking, nangyari sa kahabaan ng Roosevelt Avenue.

Dakong alas-6:30 naman ng matapos ang pangho-hostage nang kuyugin ng mga pulis si Juren mula sa kaliwa't kanan nito.

Nailigtas ang biktima at dinala sa ospital matapos itong magtamo ng sugat sa kaniyang leeg dahil sa tusok ng kutsilyo at sa kaniyang kamay dahil sa pagpalag.

Dinala naman sa Quzeon City Police District Station 2 ang suspek.