'Kian, binaril habang nakasubsob, nakaluhod, nakababa ang ulo'

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 08:38 PM | Updated as of Aug 25 2017 03:59 AM

Ginisa sa Senado ngayong Huwebes ang tatlong pulis na itinuturong pumatay sa binatilyong si Kian Loyd delos Santos sa Caloocan noong isang linggo. Lumalabas din na binaril ang binatilyo habang nakasubsob, base sa mga testimonya.

Walang imik at maingat sa bawat pahayag sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda, at PO1 Jerwin Cruz habang dinidinig kanina sa Senado ang sinasabing pamamaril nila sa 17 anyos na si delos Santos sa isang madilim na sulok sa Caloocan. 

Nakaharap ng tatlong pulis ang mga magulang ni Kian. Kasama rin ni Sen. Risa Hontiveros ang tatlong testigo sa pagpatay sa binatilyo, ngunit hiniling ng mga ito na pakinggan sila sa isang executive session. 

Sa testimonya ni Dr. Erwin Erfe, ang forensic consultant ng Public Attorney's Office, nakatayo ang namaril habang nakasubsob naman si Kian sa paanan ng shooter. Malapit na malapit umano nang ito'y barilin. 

"Dalawa po kasi ang na-determine namin na shooter... 'Yong trajectory po kasi ay acute angle, pababa po, pero po sa katawan niya ay paitaas. Ang posisyon po ay nakatayo ang shooter at nakasubsob na po si Kian," ani Erfe.

Dagdag pa ni Dr. Jocelyn Cruz ng Northern Police District, halos nakaluhod at nakababa ang ulo ng binata nang barilin ito. 

Base sa mga pahayag na ito, ayon kay Philippine National Police chief Director General Ronald dela Rosa, "Kung nakaluhod si Kian, at nakalikod tapos babarilin mo, kriminal ka, murderer ka. Hindi ka law enforcer."

Salungat naman ang findings ng Public Attorney's Office sa autopsy report ng PNP.

Tatlo ang tama ni Kian: isa sa likod ng katawan, isa sa likod ng kaliwang tainga, at isa sa mismong tainga, ayon kay Erfe.

Hindi naman lumabas sa autopsy ng PNP ang tama sa likod ng katawan ng biktima. 

Hindi rin sila nagkasundo sa distansiya ng bumaril kay Kian. 

Sino'ng pumatay kay Kian?

Pilit piniga ng mga senador kung sino sa tatlong pulis ang mismong bumaril kay Kian delos Santos. 

Tikom ang bibig ni Oares, ang itinuturong gunman, dahil nais muna niyang magkaroon ng sariling abugado kahit pa binigyan na sila ng abugado ng Senado. 

Kumanta naman si Cruz, at itinuro si Oares bilang ang pumatay kay Kian. 

"[Sino'ng pumatay kay Kian?] Based on ballistic report result, si PO3 Oares," ayon kay Cruz. 

Aminado rin si Cruz na sila ni Pereda ang nakita sa CCTV na kumakaladakad sa isang lalaki, ilang minuto bago natagpuang patay si Kian. Ngunit giit niya, asset lamang ang lalaki, at hindi iyon si Kian. 

Base sa bersiyon nina Oares, unang nagpaputok si delos Santos kaya gumanti lamang sila, ngunit aminado silang hindi sila sigurado kung mayroon ba talagang dalang baril ang binatilyo. 

"Madilim po kasi no'n, hindi namin alam... kasi po pinutukan niya lang po kami e," ani Pereda.

Kian, pusher nga ba?

Giit din ng mga pulis, sangkot sa ilegal na droga si delos Santos. 

"We have information na may naglalaro doon sa area, kahit ginalugad 'yong area," ayon kay Chief Supt. Roberto Fajardo, dating hepe ng NPD. 

Ayon kay Fajardo, sangkot sa transaksiyon ng droga si delos Santos. Nang tanungin kung paano niya alam ito, ang sagot niya: "After ng insidente, so we have to check the background."

Kinantiyawan naman ang sinibak na si Senior Supt. Chito Bersaluna matapos nitong sabihing ibinase nila sa mga sinabi sa social media ang pagkumpirma sa pagkakadawit ni delos Santos sa ilegal na droga. 

Kalaunan, iginiit ni Chief Inspector Amor Cerillo, ang sinibak na police community precinct commander, na may natagpuang cellphone na diumano'y magtuturo kay Kian. 

"Doon po sa cellphone na recovered, wala pong directly na nagsasabi na si Kian po ay directly involved sa illegal activities, pero during the tactical interrogation, 'yong si alias 'Nono' revealed na si Kian nga po ang madalas niyang ka-transaction pagka um-order siya ng drugs kay alias 'Neneng'," ani Cerillo. 

Hirit naman ni Minority Leader Franklin Drilon, "The issue here is whether there was an extrajudicial killing. Whether Kian was killed by the three policemen here facing us, it is not the issue, even assuming it is too, that Kian was a drug dealer. That's beside the point, unless we are saying now that being a drug dealer or courier, without going to court, we can shoot and kill you."

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.