Faeldon, matapos pagbintangan ni Ping: Lacson Jr. tiwali rin

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 04:38 PM | Updated as of Aug 25 2017 03:44 AM

Isang araw matapos siyang pagbintangan ni Sen. Panfilo Lacson ng pagtanggap ng daan-milyong pisong lagay sa Bureau of Customs, binalikan ni outgoing BOC Commissioner Nicanor Faeldon ang senador at sinabing sangkot din sa katiwalian ang anak ng senador. 

Idinawit sa ilegal na gawain sa BOC ni Faeldon si Panfilo 'Pampi' Lacson Jr. at sinabing isa itong maliit na negosyante ng semento na nakapag-aangkat ng milyon pisong kargamento sa BOC.

Sinabi ito ni Faeldon sa isang news briefing sa kanyang bahay sa Taytay ngayong Huwebes ng umaga. Mariin namang itinanggi ng senador ang bintang, at sinabing wala siyang kinalaman sa mga aktibidad ng anak.

Nagpasok umano ang Bonjourno, kompanya ni Lacson Jr., ng milyon-milyong pisong halaga ng semento sa bansa ngunit ang idineklarang halaga nito ay 50% na mas mababa sa aktuwal na halaga, ayon kay Faeldon.

"Last month, in a span of a week, Lacson Jr.'s company managed to bring in three shipments amounting to P106 million. How is that possible for a company whose starting capital is only P20,000?" ani Faeldon.

"Si Pampi Lacson wants to pay only 50 percent of his freight cost.
Nagbibigay sa atin ng fake documents to try to justify na $8 lang dapat niya bayaran when prevailing market sa buong mundo ay $16-$20," dagdag pa niya.

Nagpunta rin umano ang batang Lacson sa kanilang opisina nang limang beses upang suhulan ang kanyang mga tao. 

"Nagdala ng pera doon si Panfilo Lacson Jr. at sinabihan niya iyun 2 staff na kaharap niya, kasama iyung number one sa board, 'Sa inyo na po ako magbabayad.' Alam naman po ni Mr. Lacson na sa office ni Commissioner, walang kahera doon," aniya.

Bago ito, pinagbintangan ni Lacson ng korupsiyon ang Customs chief at anim pang opisyal ng Customs dahil sa umano'y pagtanggap nila ng payola.

'Lacson, takot na malantad ang mga aktibidad'

Ayon pa kay Faeldon, nais umanong silang patalsikin ni Lacson upang mapigilan ang paglalantad ng mga taga-Customs ng aktibidad ng kanyang anak. 

"Ito ang kinakatakutan mo, sir (Lacson), kasi we are getting close to exposing you." 

"I give him the benefit of the doubt, baka hindi niya alam 'yung ginagawa ng anak niya? Or baka siya pasimuno nito? Anak niya e."

"They want us out. They do not want the truth to come out. They want us all out, the 6 of us." 

"Yung sinasabi ni Ping Lacson na may mga player, tanong ko sa 'yo, 'Player ka ba (sa smuggling)? Player ba ang anak mo? Dummy mo ba ito?'"

Dagdag pa niya, nais umanong siraan ni Lacson ang mga taga-Customs upang pabanguhin ang kanyang pangalan, at nang makatakbong muli ang senador sa pagkapresidente. 

"You have an ambition to become president, you have proven that already. Tumakbo ka ng 2004 e. Gusto mo ba tumakbo ulit by destroying me, by destroying the few people that I brought in there to try to find out what is happening in the bureau?"

Pagtanggi ni Lacson

Itinanggi naman ni Lacson na mayroon siyang kinalaman sa mga aktibidad ng kanyang anak. Wala umano silang itinatagong iregularidad.

"First, I have nothing to do with my son's business activities; second, there is no smuggling of cement as it is not subject to customs tariff and duties but only subject to VAT, which my son said when I checked with him just now, they always pay," ani Lacson. 

"I am not hiding anything. My son assured me he is not hiding anything," sabi ng senador. 

Sinabi pa niyang kinasuhan na dapat ni Faeldon ang batang Lacson kung totoo ang sinasabi nitong dawit ito sa smuggling. 

"He should have filed charges against my son if he now says, he's into smuggling."

Hindi rin umano lohikal na ilantad pa ni Lacson ang mga iregularidad sa Customs kung tunay nga ang mga paratang ni Faeldon. 

"Fourth, it doesn't make sense that I will expose the shenanigans in the BOC if my son is cheating on taxes as Faeldon is now accusing him of. The logical thing for me to do is not to make the exposé and just keep quiet." 

Lagi rin umanong pinaaalalahanan ni Lacson ang anak ukol sa mga gawain nito sa negosyo. Sakaling mahuli ni Lacson ang anak, siya pa umano ang magsasampa ng kaso. 

"If my son is guilty of smuggling, I myself will file case against him."

"For the record, I have always reminded my son to be on the level in whatever business dealings he would have because if not, I'll be the first one to castigate him and even initiate filing of charges against him."

Nanawagan naman si Faeldon na paimbestigahan ang Bonjourno. Maglalabas din umano siya ng mga ebidensiya kontra sa nasabing kompanya, kasama na ang ilang bank certificates at isang sulat mula sa asosasyon ng cement manufacturers na nagsasabing kasama sa mga 'smuggler' ang nasabing kompanya. 

Faeldon, sinusuhulan umano ng P300,000

Ibinunyag din ni Faeldon na mayroong importer na nag-alok sa kanya ng lingguhang suhol na P300,000 bago siya maupo sa puwesto sa Customs, ngunit tinanggihan niya. ito.

"Sabi ko, ‘G**o, kalokohan niyo 'yan, I don’t accept any form of gift’--kasi di naman bribe and tawag nila, it’s a gift," ayon kay Faeldon.

Kasama rin sa mga paratang ni Lacson noong Miyerkoles kay Faeldon ay ang pagtanggap nito ng P100 milyong 'welcome gift' nang pumasok siya sa Customs noong isang taon, ngunit itinanggi rin ito ni Faeldon.

Kamakailan, pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Isidro Lapeña, hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency, bilang kapalit sa puwesto ni Faeldon bilang Customs chief. Ito ay matapos magsagawa ng mga imbestigasyon ang Kamara at Senado sa umano'y mga iregularidad sa Customs na nagdulot ng pagpasok ng may P6.4 bilyong halaga ng ilegal na droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.